Matandang binata
Dear Dr. Love,
Nais ko po magpaabot sa inyo ng mataos kong pagbati sa maganda ninyong column na tuwing binabasa ko ay nakapagbibigay sa akin ng kaluwagan ng kalooban at nakapagpapabawas sa dinadala kong lungkot sa buhay.
Isa po akong matandang binata na sa edad na lampas nang 70 anyos, talagang wala nang kabalak-balak pang maghanap ng makakatuwang sa buhay.
Nanliligaw naman ako noong kabataan ko pero parang wala akong nakita noong babaeng gusto kong makaisang-palad dahil bukod sa masyado akong pihikan sa nililigawan, kung magkaroon man ng nobya ilang ulit din akong kinalasan sa pakikipagrelasyon. Lubhang naiinip marahil sa paghihintay sa “marriage proposal” dahil nga masyado akong mabusisi sa family background ng prospective bride.
Noon ay buhay pa ang mga parents ko at nalibang ako sa trabaho at pagsuporta sa aking nakababatang kapatid at mga pamangkin. Huli na nang matuklasan kong nag-iisa na lang ako sa buhay, retirado na rin ako sa empleyo at ang tanging libangan ay mag-garden at manood ng sine.
Malimit akong pasyalan sa bahay ng aking mga kapatid at pamangkin at kung minsan ako naman ang dumadalaw sa kanila.
Ang suliranin ko sa ngayon, mayroon kayang mag-alaga sa akin kung mahiga na ako sa banig ng karamdaman? Bigyan mo po ako ng tips kung paano ko gugugulin nang kapaki-pakinabang ang aking panahon ngayong nasa bahagi na ako ng takip-silim ng aking buhay.
Maraming salamat at hintay ko ang inyong makabuluhang payo.
Gumagalang,
Ernesto
Lipa City
Dear Ernesto,
Marami kang mga bagay na pagkakalibangan sa buhay para hindi ka mainip sa pag-iisa. Puwede kang maglakbay lokal man o sa ibang bansa para maiba naman ang iyong kapaligiran. Hindi ka nag-iisa, marami ka namang natulungan noong panahon ng kabataan mo kaya’t hindi problema ang mag-aalaga sa iyo sa katandaan mo. Maging aktibo ka rin sa mga kilusang pangrelihiyon at makikita mo, hindi mo kaiinipan ang paglipas ng panahon.
Dr. Love
- Latest
- Trending