Dear Dr. Love,
Isa po akong estudyante sa high school, fourth year na po ako.
Sa kabila ng hirap ng aming buhay, sinisikap ng aking mga magulang na maigapang ako sa pag-aaral sa hangaring makaahon kami sa miserableng buhay na aming dinaranas.
Ang trabaho ng aking ama ay mamili ng bote, diyaryo at mga sirang gamit plastic man o bakal para mabenta sa junk shop. Ang nanay ko naman naglalabada. Dalawa lang kaming magkapatid, nangungupahan sa kubu-kubuhan sa isang squatters area dahil mura lang ang renta. Ang kuya ko, hindi nakatagal sa kalagayang ito kaya’t huminto sa pagpasok sa eskuwela, napasama sa mga pusher ng droga at ngayon nakakulong.
Nasa paaralang publiko ako pero kailangang gumastos din sa mga projects at iba pang pangangailangan tulad ng uniporme, sapatos at pambaon. Kung minsan, gusto ko na ring huminto sa pagpasok at mamasukan na lang sa anumang pagkikitaan tulad ng karinderya at magtitinda ng pandesal sa bakery. Naaawa kasi ako sa aking magulang na patuloy ang pagkayod kahit mayroon nang edad.
Payuhan mo po ako Dr. Love, ayaw po akong patigilin sa pagpasok ng aking mga magulang dahil ako na lang daw ang nag-iisang pag-asa nila sa buhay. Parang napakalayo po ng pinapangarap nila para sa akin dahil alam ko namang hindi ako makakapagkolehiyo.
Maraming salamat po at hihintay ko ang inyong kasagutan.
Miserable Teenager ng Q.C.
Dear Miserable Teenager,
Hindi ka dapat na panghinaan ng loob sa kasalukuyang pamumuhay ninyo.
Magtiyaga ka sa pag-aaral at huwag mong biguin ang pangarap ng iyong mga magulang.
Masuwerte ka sa pagkakaroon ng mga magulang na handang magsakripisyo para maigapang ang anak sa pag-aaral. Suklian mo naman ito para hindi ka matulad sa kuya mo, matatag na determinasyon lang ang katapat niyan.
Dr. Love