Dear Dr. Love,
Muli po akong bumabalik sa inyo para humingi ng payo. Tama po ba ang ginawa kong pakikipagkita sa aking asawa? May nangyari po sa amin gayong may boyfriend ako.
Sa kalahating araw na muling pagsasama namin ng aking asawa, masaya po ako at natiyak ko sa aking sarili na mahal ko pa rin siya gaya ng dati.
Marami kaming napag-usapan tungkol sa pag-aayos ng aming relasyon. Pero hindi ko ito maamin sa aking boyfriend. Nahihiya ako maging sa kanyang pamilya na naging mabuti sa akin. Alam ko rin na kapag nalaman ng pamilya ko ang tungkol sa pakikipagkita ko sa aking asawa, magagalit sila sa akin.
Dr. Love tulungan po ninyo akong maliwanagan. Maraming salamat po.
God bless.
Amber
Dear Amber,
Sa tingin ko walang immoral na nakipagtalik ka sa asawa mo dahil asawa mo siya kahit kayo’y physically separated. Maliban na lang kung officially annulled na ang inyong kasal. Ang mali ay kung humiwalay ka lang sa mister mo nang walang annulment at sumama sa iba. That may be considered adulterous.
Ikaw rin ang may sabing masaya ka sa piling ng asawa mo at may nadarama ka pang pag-ibig para sa kanya. Hindi ko alam kasi ang background ng iyong problema kaya baka hindi accurate ang payo ko sa iyo. Ang tanong ko lang, kung ramdam mong mahal mo pa ang asawa mo, bakit kayo nagkahiwalay?
Dr. Love