Naunsiyaming pagtatanan

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati sa paborito ‘kong kolumnista.    

Ako po si Rolendo Alto, 33 years old at nakapiit ngayon sa pambansang bilangguan. Ang masakit nito, ang taong makapagsasalba sana sa akin sa pagkakakulong ay iniwanan ako. Si Eden, ang nobya ko na katanan ko nang gabing mangyari ang krimen.

Noong una pa man ay tutol na ang mga magulang ni Eden sa aming relasyon. Isa raw akong hampas-lupa at malayo ang agwat ng pamumuhay namin. Wala na akong nagawa noon. Hindi na kami nagkita ng aking nobya.

Isang araw, nasa opisina ako nang sadyain ng aming kaibigan ni Eden at sabihin hinihintay ako ng aking nobya sa partikular na lugar. Sinamahan niya akong magpunta dito. Ikinagulat ko dahil may dalang malaking maleta si Eden. Magtanan na raw kami dahil ipadadala siya ng kanyang mga magulang sa Amerika.

Ayaw ‘kong mapalayo sa akin si Eden kaya, nagtanan kami. Napadaan kami sa isang madilim na iskinita. May mga kalalakihan na sumalubong sa amin doon at agad hinawakan ang nobya ko. Inatake na ako ng iba pa at pinukpok sa ulo. Ang kasunod na namalayan ko ay marami nang pulis at hinuli ako. Ako raw ang itinuturong pumatay sa aming kaibigan. Dahil bigo akong mapatunayan na inosento ako, kulong ako. 

Wala na akong nabalitaan kay Eden. Napakalungkot. Sana mailathala ninyo ang liham ko, Dr. Love at magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na magiging inspirasyon ko sa aking pagbabagong-buhay.

Maraming salamat!

Yours truly,

Rolendo Alto

Student Dormitory 232

MSC CAMP SAMPAGUITA

Muntinlupa City 1776

Dear Rolendo,

Ikinalulungkot ko ang sinapit mo. Pero sa kabila ng lahat, huwag ka sanang mawawalan ng pag-asa. Sa dakong huli, lilitaw din ang katotohanan. Magpatuloy ka ng pag-aaral diyan sa loob para mapaghandaan at mapaunlad ang iyong hinaharap.

DR. LOVE

Show comments