Mama's Boy
Dear Dr. Love,
Isa pong mataos na pagbati sa inyo at sa inyong malaganap na column. Malapit na akong mag-40 anyos pero naghihintay pa rin sa pangakong kasal ng aking boyfriend.
Sa susunod na buwan ay 40-anyos na si Noli pero ang ipinagtataka ko ay hindi pa rin makabitiw sa saya ng kanyang ina. Panganay ang boyfriend ko ay batid ‘kong sa kita niya umaasa ng malaki ang kanyang mga magulang, maging ang mga kapatid na walang kusa para maghanap ng ikabubuhay nila.
Noong nagsisimula pa lang ang relasyon namin ni Noli, alam ‘kong tutol ang kanyang ina, marami itong sinasabi na kung susuriin ay mauuwi sa puntong mawawalan sila ng tagapagsustento.
Dr. Love, parang nawawalan na ako ng pasensiya sa aking nobyo dahil sa tatlong taon na naming pinaplano ang aming simpleng kasal pero lagi na lang nauudlot dahil mas nasa konsiderasyon niya ang kanyang pamilya. Gusto ko na yatang umurong sa relasyon namin at tanggapin ang panliligaw ng iba. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at more power to you.
Digna
Dear Digna,
Kung tatlong taon na kayong naghahanda sa kasal pero laging nauurong dahil sa prayoridad na konsiderasyon ng nobyo mo ang kanyang pamilya, mukhang magkakaproblema ka nga sakali’t makasal na kayo.
Bigyan mo na ng ultimatum ang boyfriend mo at kung wala pa rin, siguro mag-isip ka na nga.
Mahirap ang isang asawang Mama’s boy. Kaunting kibot, takbo sa kanyang mama at hindi sa iyo sasabihin ang problema. Nasa iyo ang desisyon kung maghihintay ka pa. Pero kung talagang mahal mo naman ang nobyo mo, bigyan mo pa siya ng kaunting panahon para matapos ang kanyang obligasyon sa pamilya.
Dr. Love
- Latest
- Trending