Dear Dr. Love,
Magandang araw po.
Itago na lang po ninyo ako sa pangalang Popoy, 27 na taon. Ako po ay may kasintahan at mag-aapat na taon na ang relasyon namin. Balak na po namin magpakasal ngunit siya po ay kasal sa dati niyang asawa.
Sila ay hiwalay na ng 1 taon bago pa naging kami. Gusto man po naming mag-file ng annulment sa dati niyang asawa para mapawalang bisa ang kanilang kasal ngunit wala kaming sapat na pera.
Sa katunayan po, ang pagmamahalan naming ito ay pangalawang beses na at masasabi ko po na ito ay isang tadhana. Noong high school, kami ay nagkakila at naging magkasintahan na rin ngunit tumagal lang ito ng ilang buwan. Pagkatapos po noon ay wala na akong balita sa kanya.
Pagkalipas ng 10 taon, muli kaming nagkita at muling nanumbalik ang aming pagmamahalan. Ngayon po masaya kami sa aming pagsasama. Kahit po siya ay may 3 anak na, tinanggap ko po siya ng buong-buo at ang mga anak niya na walang pag-aalinlangan at pagsisisi. Tanggap rin po siya ng pamilya ko at ganun din po ako sa pamilya niya.
Dr. Love, ano po ang dapat naming gawin? At kung sakali man pong makasal kami balak ko po sana isunod sa apelyido ko ang 3 anak niya?
Maraming salamat po.
Lumulubos na gumagalang,
Popoy
Dear Popoy,
Kailangan pa rin na ma-annul ang naunang kasal ng iyong girlfriend. Kahit hiwalay sila ay may bisa ang kasal sa unang asawa.
Problema nga marahil ang pera para sa annulment pero iyan lang ang puwedeng gawin para walang “sabit” ang inyong magiging pagsasama.
Kaugnay ng plano mong isunod sa apelyido mo ang kanyang mga anak, legal problem din iyan dahil mayroon silang ama na posibleng tumutol maliban na lang kung mag-uusap kayo at makukumbinsi siya sa gusto mo.
Kumunsulta ka sa abogado sa problemang iyan.
Dr. Love