Dear Dr. Love,
Noong ligawan ako ni Randy at magkaroon kami ng relasyon ang isa sa katangiang minahal ko sa kanya ay ang pagiging independent-minded niya. Nag-working student siya kahit na kaya naman siyang pag-aralin ng parents niya. Akala ko ganoon siya katatag sa buhay, ‘yun pala ginagawa niya lang ito para sa mga good time na gusto niya. Nagagawa niya ang gusto niya nang hindi nagagalaw ang allowance mula sa parents niya.
Dumating ang kinatatakutan ko. Nabuntis ako at ipinagtapat ko ito kay Randy pero gusto niyang ipalaglag ang fetus. Dahil hindi pa raw kami handa sa pagpapamilya. Kaya lumapit ako sa aking mga magulang at tinanggap ang lahat dahil sa nagawang kapusukan. Inunawa naman nila ako at pinagsisihan ko na ang aking nagawa.
Malaki na ngayon ang anak ko, may kapatid na rin siya at ama na nagbigay pangalan. Isang kababata na nagbalik-bayan ang nag-alok ng kasal sa akin. Doktor siya at masaya ang aming pamilya.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ‘kong ito. Sana’y may napulot na aral ang inyong mambabasa sa karanasan ‘kong ito.
Yours truly,
Danica
Dear Danica,
Mapalad ka sa pagkakaroon ng maunawaing magulang, maging ng lalaking may dakilang pag-ibig na tumanggap sa iyong nakaraan. Marahil isang anyo ang pagpapalang ito dahil naging matatag ka sa pagsubok. Itinama mo ang pagkakamali nang itaguyod ang iyong sanggol kahit pa tinalikuran ka ng takot sa pananagutan mong nobyo. Hindi madali ito. Hangad namin ang kapayapaan at patuloy na kaligayahan ng iyong pamilya.
Natitiyak ‘kong kinapulutan ng aral ang iyong liham. Salamat sa iyong pagtangkilik.
Dr. Love