Snake Eyes

Dear Dr. Love,

Humahanga po ako sa inyo at sa inyong co­lumn sa Pilipino Star NGAYON. Tawagin n’yo na lang po akong Snake Eyes. Sana po matulungan ninyo po ako sa aking problema sa pag-ibig. Medyo nawawalan na rin po ako ng dahilan para mabuhay.

Ako po ay isang 16-anyos na binata, isang 4th year high school student at mahilig sa computer games. Sawi rin po ako sa pag-ibig dahil madalas po akong nag-iisa at wala pang masyadong kaibigan. Ako rin po ang laging habol ng tuksuhan at mga bully sa aming paaralan.

Dahil nga po sa computer games nakahanap ako ng minamahal. Pareho kaming mahilig sa computer games. Nagtapat po ako sa kanya pero ikinadismaya ko dahil may boyfriend na pala siya. Pero nagkaroon pa rin ako ng pagkakataon na maihatid siya sa kanyang bahay. Noon ko sinabi sa kanya na handa akong maghintay.

Dr. Love, pagpayuhan po ninyo ako. Dahil magulo po ang isip ko ngayon. Maraming kailangan gawin sa school at napaka-strict po ng lola ko. Sa kanya po kasi ako nakatira. Sana po matulungan ninyo akong magkaroon ng kapanatagan.

Umaasa,

Snake Eyes         

Dear Snake Eyes,

Huwag kang magpatalo sa mga sirkumstansya sa buhay mo. Kung ikaw ay binu-bully ng mga ka-edad mo, huwag silang papansinin at gawin mo lang ang tama. Maliban na lang kung saktan ka, magsumbong ka sa mga awtoridad sa paaralan. Sikapin mo rin na imbes na sa computer games ay ibuhos mo ang oras sa pag-aaral para mag-excel sa klase.

Bata ka pa at marami pang magagandang bagay ang mangyayari sa iyo basta’t hangarin mo at pagsikapang maabot. Tungkol sa love-life, huwag mo munang seryosohin at sikapin mong ma-establish muna ang kinabukasan mo.

Dr. Love

Show comments