Hindi sinipot ng groom
Dear Dr. Love,
Tawagin nyo na lang akong Digna, “Queen of Ice” ang bansag sa akin ngayon ng mga kaibigan, dahil mistulang naging yelo ang puso ko, manhid at walang pakiramdam sa tawag ng pag-ibig.
Naging malaki po kasi ang epekto sa akin ng hindi pagsipot ng lalaking pakakasalan ko sa simbahan. Bigla na lamang siyang hindi nagpakita. Nagdadalantao na po ako noon at hindi pumayag ang aking mga magulang na hindi kami maikasal agad. Kapwa kami nasa huling taon noon sa kolehiyo.
Ngayon malaki na ang anak namin at nakatapos na ako ng medisina. Marami nang mga binatang nanliligaw sa akin at hindi inalintana ang aking nakaraan. Pero parang kinupasan na ako ng interest sa opposite sex. Pero aminado ako na sa puso ko, naroon pa rin ang larawan ni Edgar.
Siya pa rin ang mahal ko. Nagbabalik po siya ngayon, humihingi ng tawad maging sa mga magulang ko. Mahal daw niya ako at ang aming anak. Pero hindi ko na po gustong magtiwala. Pagpayuhan po ninyo ako.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko. Hintay ko po ang payo ninyo.
Yours sincerely,
Digna
Dear Digna,
Ikaw lang ang makapagpapasya kung dapat mo pang tanggapin si Edgar o hindi pagkaraan ng nangyari. Suriin at timbangin mo ang tunay na nangyari sa naudlot ninyong pagpapakasal. Isangguni mo rin ang tungkol dito sa iyong mga magulang, tanungin ang iyong sarili bago ka magpasya.
Bagaman hindi naging maganda ang inyong nakaraan, nananatili pa rin ang karapatan ng inyong anak na mabatid kung sino ang kanyang ama, kaya huwag mo itong ipagkait sa kanya.
Dr. Love
- Latest
- Trending


















