Biyudo man may karapatan din lumigaya

Dear Dr. Love,

Sana nasa mabuti kayong kalagayan.

Ako po si Eduardo Agnes, 51 anyos at isang biyudo. May apat na taon nang sumakabilang buhay ang aking maybahay at naiwanan sa akin ang apat na anak.

Hindi ko na masyadong problema ang aming mga anak dahil dalawa sa kanila ang nakatapos na ng kolehiyo at mayroon nang trabaho. Ang dalawang nakababatang lalaki ay nag-aaral pa sa high school.

Ang pagpanaw ng aking maybahay ay labis kong dinamdam. Naging malungkutin ako at napa­bayaan ko na tuloy ang aking trabaho bilang isang security guard sa University of Santo Tomas sa España, Maynila.

Nawalan tuloy ako ng trabaho kaya minabuti ko na lang gugulin ang panahon sa pag-aasikaso sa mga gawaing bahay at ang panga­ngailangan ng aking mga anak.

Hindi sang-ayon ang aking mga anak ma­ging ang mga kamag-anak ko sa malaking pagbabago ko, kaya pinapayuhan nila ako na makisalamuha sa mga kapamilya at iba pa para maging normal uli ang aking buhay. “Life must go on,” anila.

Kaya po naisipan kong lumiham sa inyong pitak dahil nais ko makilala si Monina. Lumabas po ang liham niya noong Pebrero 17, 2011.

Sana, mabasa niya ito at sulatan niya ako.

Maraming, maraming salamat po at nawa’y bigyang daan ninyo ang liham kong ito.

Gumagalang,

Eduardo D. Agnes

Risty Compound, RBI

San Mateo, Rizal

09085505065

Dear Eduardo,

Tama ang mga kapatid at mga anak mo. Huwag mong ikulong sa nakaraan ang buhay mo. Ang pakikipagkaibigan sa mga babae ay isa lang paraan para malimutan mo ang malungkot na pagkamatay ng kabiyak. Humanap ka ng babaeng makakasundo mo at makakasundo rin ng iyong mga anak. Sana, matagpuan mo ang hinahanap mong kaligayahan. Hindi pa katapusan ng mundo ang maging isang balo. Karapatan mong lumigaya pa rin at hindi mabuhay lamang sa paggunita sa nakaraan.

Dr. Love 

Show comments