Dear Dr. Love,
Tawagin niyo na lang akong “John Doe,” isang OFW sa Saudi at 29 na taong gulang. Maganda ang relationship namin ng aking girlfriend at ikakasal na kami.
Isang pagkakataon ang nakapagdulot sa kanya ng confusion, noong nakaraang taon na binisita siya ng kanyang ex-boyfriend. Sinabi niya sa akin ang lahat. Ang pagkukwentuhan nila sa kanilang nakaraan, ang pagsasabi ng lalaki na mahal niya pa rin ang girlfriend ko sa kabila nang may asawa at anak na siya. Maging ang pagpapasundo at pagpapahatid nito sa bus terminal at ang pagbibiro na gusto raw makipag-sex sa girlfriend ko.
Itinawag lahat sa akin ito ng girlfriend ko. Kasama ng pagsasabi na magtiwala raw ako sa kaniya. Ilang buwan ang lumipas umuwi ako sa Pilipinas at namanhikan sa kanyang magulang.
Nasaktan ako sa mga ikinuwento niya dahil parang nagkakaroon pa siya ng pag-aalinlangan. Magmula noon nagkaroon na ‘ko ng matinding selos.
Ano ba ang dapat kong gawin. Mahal na mahal ko po ang mapapangasawa ko. Normal lang ba ang nararamdaman ko o ako ba ay nagiging posessive na?
John Doe
Dear John Doe,
Normal ang nararamdaman mong selos pero magtiwala ka sa mapapangasawa mo. Naging matapat siya sa pagsasabi nang pangyayari pati na sa pagtutol niya sa hinihingi ng ex niya na makipag-sex. I believe she is trustworthy.
Kung makadarama man siya ng confusion ay sa dahilan marahil na may pinagsamahan din sila ng kanyang ex at once upon a time at naging magkasintahan. Ngunit wala ka nang dapat ipag-alala dahil may asawa na naman ang kanyang dating boyfriend.
Tandaan mo – Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin at marunong umunawa. Habang ‘di pa kayo kasal ay dalasan mo ang pakikipag-usap sa kanya at ipakita mo na hindi kayang higitan ng kanyang ex ang pag-ibig na maibibigay mo sa kanya.
Dr. Love