Nang dahil sa text
Dear Dr. Love,
Pleasant greetings to you. Tawagin mo na lang akong Sally, 20-anyos. May live-in partner ako at itago mo na lang sa pangalang Manny. May isang taon na ang aming relasyon.
Kami ni Manny ay nagkakilala lang sa text. May tindahan kami noon at nagpapa-e-load siya sa akin. Guwapo siya kaya itinabi ko ang number niya at tinawagan ko siya para makipagkilala. Nagsimula doon ang aming relasyon.
Wala nang ligawang naganap dahil nang magkita kami’y nagkaroon na kami ng mutual understanding. Lumipas ang isang buwan at nag-decide kaming magsama. Ikinagalit ito ng aking lola na siyang nag-alaga sa akin simula nang ako ay 10-years old dahil pareho nang patay ang parents ko.
Umupa kami ng apartment na P8 thousand a month. Maligaya ang pagsasama namin ni Manny. Mabait siya at sunod ang layaw ko sa kanya. Hindi niya sinasabi sa akin kung ano ang trabaho niya.
Hanggang isang araw, may dumating na mga pulis sa amin at may dalang warrant of arrest. Carnapper daw si Manny at may demanda sa kanya.
Umuwi ako sa aking lola muli at sabi niya kalimutan ko na si Manny. Sa kabila ng lahat, mahal ko siya at alam kong mahal niya rin ako. May balak pa nga kaming magpakasal. Dapat ko ba siyang limutin?
Sally
Dear Sally,
Totoo nga siguro na nagmamahalan kayo. Pero tingnan mo ang kahihinatnan ng iyong buhay sa kanya, maliban na lang kung siya’y magbabago.
Sabagay, kung binata siya at dalaga ka, walang masamang magpakasal kayo. Pero kung magpapakasal ka sa kanya, papasanin mo pati ang problema niya. Paano kung mabilanggo siya nang matagal? Kaya mo bang ma-take ito?
Nasa sa iyo ang huling desisyon Sally at ang mga sinasabi ko ngayo’y magsilbi sanang gabay sa gagawin mong pagpapasya.
Dr. Love
- Latest
- Trending