Maling akala

Dear Dr. Love,

Huwag mo na sanang ibunyag ang tunay kong pangalan. Ikubli mo na lang ako sa alias na Heartache isang dalagang 20-anyos. May lalaking mahal na mahal ko pero kaibigan lang ang turing niya sa akin. Kinakapatid ko siya o inaanak sa binyag ng tatay ko. Watch full video

Noong una’y inakala kong may gusto siya sa akin dahil close kami. Napaka-concerned niya sa akin at kapag namamasyal kami ay para kaming mag-on. Akala ko noon ay may mutual understan­ding na kami. Pero labis akong nasaktan nang sabihin niya sa akin na mag-aasawa na siya.

Naiyak ako at ayaw ko na siyang kausapin. Nang tanungin niya ako ay sinabi ko ang tunay kong damdamin sa kanya. Na mahal na mahal ko siya. Natigilan siya at sinabing parang tunay na kapatid lang ang turing niya sa akin.

Naikasal na siya noong January pero masakit pa rin para sa akin ang nangyari. Ano ang gagawin ko?

Heartache

 

Dear Heartache,

Nabigyan mo ng maling interpretasyon ang closeness sa iyo ng iyong kinakapatid. At nga­yong nalaman mo ang totoo, magpakatotoo ka rin. Ibig kong sabihin, tanggapin mo ang masaklap na katotohanan na wala siyang gusto sa iyo matangi sa pagtrato niya sa iyo bilang kapatid.

Alam kong masakit iyan. Pero kung minsan, kailangan nating masaktan dahil iyan ang nagpapatatag sa ating pagkatao. Ang mga dalamhating nararanasan natin ang siyang humuhubog sa ating karakter.

Ang payo ko ay limutin mo siya at huwag magmukmok. Hindi tumitigil ang inog ng mundo dahil lang sa isang kasawian.

Alam kong maghihilom din ang sugat sa puso mo at makakapag-move on ka rin.

Dr. Love

Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.pho sa drlovepsn@gmail.com. Maaari nang mapanood ang pagpapayo ni Dr. Love, bisitahin ang DR. LOVE WEBISODE sa philstar.com)

Show comments