Isinanlang engagement ring

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Dennis, 28 taong gulang at kasalukuyang isang OFW sa Gitnang Silangan.

Lumiham po ako para hingin ang inyong opinyon kaugnay sa problema ko sa nobya ko. Nakipagkalas siya sa akin nang tubusin ko ang natuklasang pagsanla niya sa aming engagement ring.

Nang umuwi ako mula sa abroad at duma­law sa kanila, hindi sinasadyang nahulog sa paanan ko ang papel de ahensiya. Kinuha ko ito ng palihim at tinubos sa halagang P7,000.00 nang hindi sinasabi sa kanya.

Pagkatapos ay saka ko siya kinausap para muling ibigay ang singsing. Marahil dahil sa pagkapahiya ay tinalikuran niya ako at ‘yun ang dahilan ng pakikipagkalas niya sa akin.

Para sa akin, Dr. Love napakahalaga ng singsing na ‘yun na inipon ko mula sa aking sahod para maibigay sa kanya, bilang simbolo ng aking tapat na pagmamahal at tagapagpaalala sa nalalapit naming pagpapakasal. Handa naman akong umagapay kung gipit siya sa pinansiyal para hindi na lang isanla ang singsing.

Pinilit kong ayusin ang tungkol dito at humi­ngi ng dispensa para kalimutan na lang namin ang lahat. Pero nagmatigas siya. Masakit ang pangyayaring ito.

Sa tingin po ba ninyo, dapat ko pa siyang amuin? Hihintayin ko po ang mahalaga ninyong payo at maraming salamat po.

Gumagalang,

Dennis

Dear Dennis,

Nauunawaan ko ang iyong pagpapahalaga sa singsing bilang simbolo ng iyong pag-ibig kay Lani. Pero sa mga nangyari ay labis niyang dinamdam ang pagkapahiya sa lihim na pagtubos mo sa singsing. Mas nakabuti siguro kung binagyan mo pa siya ng pagkakataon na maipagtapat ang tungkol sa pagsasanla niya sa singsing, bilang respeto sa marahil ay personal niyang financial difficulties.

Gayunman, tinangka mo na kamo na maayos ang gusok na ito sa pagitan ninyo pero walang nangyari…pinakamabuti ay bigyan mo siya ng puwang na makapag-isip. Dahil kung talagang mahal ka niya, makikita niya ang magandang layunin mo sa iyong ginawa, ‘yun ay upang mapasaya siya. Pero kung hindi, marahil hindi siya ang nakatakda para magpahalaga sa tapat mong pag-ibig.

DR. LOVE 

Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph. Maaari nang mapanood ang pagpapayo ni Dr. Love, bisitahin ang DR. LOVE WEBISODE sa philstar.com)

Show comments