Dear Dr. Love,
My warmest greetings to you.
Ako po si Francis Santos, 25 years old and very much single.
Mula po ako sa Angat, Bulacan pero sa kasalukuyan ay nakapiit dito sa Maximum Security Compound ng pambansang bilangguan sa Muntinlupa City.
Sa edad kong ito na wala na sa kalendaryo, wala pa akong nagiging nobya. Hindi sa hindi ako marunong umibig. Tumitibok din ang aking puso sa napupusuang dalaga. Dangan nga lang lagi akong bigo sa pag-ibig.
Ang sabi ko sa sarili, marahil tinatanggihan nila ako dahil isa akong bilanggo. May anim na taon na rin akong nakapiit sa isang kasalanang hindi ko naman kagagawan. Biktima lang ako ng hindi balanseng paggulong ng hustisya.
Ano kaya ang kulang sa akin? Hindi naman ako pangit. Mabait naman ako kung ugali ang pag-uusapan. Pero talagang walang babaeng gustong tumugon sa iniluluhog kong pag-ibig.
Matagal na rin po akong naghahanap ng “partner”. Noong October 13 issue ng PSN sa inyong column, nabasa ko po ang liham ng isang babaeng Len ang pangalan. Kaya nais ko pong tulungan ninyo akong makilala siya. Marahil kapag nabasa niya ang liham kong ito, sulatan niya ako.
Sana, mabasa niya ito. Nais kong mabatid niya na hinahangaan ko siya kahit sa sulat lang dahil sa matatag niyang disposisyon sa buhay.
Kung si Len nga ang sagot sa aking pangungulila, sana’y sumulat siya sa akin.
Maraming salamat po.
Yours truly,
Francis Santos
Dorm 5-A, Bureau of Corrections
Muntinlupa City 1776
Dear Francis,
Greetings from us to you. Sana matagpuan mo ang hanap na babaeng magmamahal sa iyo.
Pero isa lang pag-gunita. Ang pag-ibig ay hindi ipinipilit. Kusa itong dumarating kung talagang ito ay ukol para sa iyo.
Kahit hindi mo ito hanapin, kung tipo ka ng isang babae, sasagutin ka niya. Hindi rin ito nakukuha sa madalian o paspasan. May pag-ibig na kusang tumutubo tulad ng isang halaman na nakukuha sa matiyagang pag-aalaga, sa pagdidilig at pataba.
Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi ka pa naman matanda para mawalan ng loob.
Hangad ng pitak na ito na mabasa ni Len ang sulat mo para makipagkaibigan siya sa iyo. Wala kasi siyang inilagay na address sa sulat niya.
Good luck at pagbutihin mo ang rehab sa BOC para maaga kang makalaya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)