Itinakwil ng pamilya
Dear Dr. Love,
Nalalapit na po ang Pasko at ngayon pa man, bumabati na ako ng advance Merry Christmas.
Sa isang tulad kong bilanggo na sentensiyado mula 8 hanggang 18 taon, tanging ang Diyos na lang ang aking inaasahan na gagabay sa akin sa malungkot kong kalagayan dito sa piitan.
Homicide po ang kaso ko, isang kamag-anak ang aking napatay. Kaya naman, wala ni isa mang miyembro ng aking pamilya na dumadalaw sa akin dito. Napakalungkot po. Ngayon ko nakuro ang malaking kamaliang aking nagawa.
Hiwalay din po ako sa aking asawa. Pumunta siya sa ibang bansa at nang makarating doon, wala na akong balita sa kanya. Hindi siya nag-iwan ng address ni contact number.
Nakatatlong taon na po ako rito. Damang-dama ko ang hirap pala ng nag-iisa. Galit pa hanggang ngayon ang mga kamag-anak ko. Hindi nila ako tinutulungan. Naiiyak na lang ako at naiinggit sa aking mga kasamahan na mayroong bumibisita sa kanila.
Sa ngayon, nag-aaral po ako rito ng kursong B.S. Commerce major in marketing and management.
Mahaba-haba pa rin po ang ipaghihirap ko rito dahil kung bibigyan ng magandang pagkakataon, sa 2014 pa ako puwedeng makapag-avail ng parole.
Kaya naman po, lumiham ako sa inyo para matulungan ninyong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Sumasainyo,
Alyas Ramon
(N208P-3223) 4-D COLLEGE DORM, MSC
CAMP SAMPAGUITA, MUNTINLUPA CITY 1776
Dear Ramon,
Maaaring hindi naman ganap kang itinatakwil ng iyong mga kamag-anak. Siguro, binibigyan ka lang ng leksiyon para magtanda at huwag nang ulitin ang pagpatay.
Ang pagdanas ng kalungkutan dahil sa kawalan ng umaabang na mga kamag-anakan ay bahagi ng rehabilitasyon mo. Kapag nakalabas ka na sa piitan, ihingi mo ng tawad sa iyong pamilya at asawa ang mga atraso mo.
Humingi ka rin ng tawad sa Maykapal at pagtikahan ang nagawang kasalanan. Gagaan ang dinadala mong kalungkutan kung alam mong sa kabila ng pagkakaligaw mo ng landas, hindi ka ganap na kinakalimutan ng Panginoon.
Kaya huwag kang mawawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay puno ng pagmamahal at nakakaunawa.
Sa Paskong darating, tanggapin mo ang pagbati ng pitak na ito at alisin mo sa dibdib ang mga hinanakit sa buhay.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending
















