Nabuntis ng textmate
Dear Dr. Love,
Hello, Dr. Love. Isang magandang pagbati sa iyo at sa lahat ng bumubuo ng NGAYON.
Tawagin n’yo na lang po ako sa pangalang Elay, 20 taong gulang. Isa akong single parent. Simula nang mag-break kami ng aking karelasyon noong college pa ko, feeling ko ay lahat ng lalake niloloko ako.
Nung tumungtong ako ng 2nd year college habang nakatambay sa telebisyon sa isang channel, doon ko nakita ang number ng aking dating karelasyon na willing daw makipag-meet for friendship. Naging mag-textmate kami at lumalim ang pagkakaibigan. Nauwi ito sa pagkakaroon ng relasyon. Minahal ko po siya at sa tingin ko minahal niya rin ako. Hindi ko na po babanggitin ang pangalan niya para na rin sa kanyang privacy.
Nagbunga po, Dr. Love ang aming pagmamahalan, ngunit may pamilya po siya kaya hindi niya ako mapanagutan. Matapos ko pong malaman ito ay unti-unti ko nang tinanggap na hindi siya para sa amin.
Ngayon po ay nagkikita na lang kami sa tuwing bibisitahin niya ang aming anak. Ikinababahala ko po ang mga sandaling gaya nito, Dr. Love. Dahil hindi ko maialis ang nararamdaman ko para sa kanya. Mahal ko pa rin po siya. Pero kapag nakikita ko ang anak ko, ayokong makapanira ng may pamilya.
Ano po ang gagawin ko? Sana ay matulungan ninyo ako sa problema ko.
Salamat po.
Elay
Dear Elay,
Ang pagtanggap mo na hindi talaga para sa inyo ang iyong nakarelasyon at ama ng iyong anak, ay isang magandang indikasyon para masimulan mo ang pagbabagong buhay.
Hindi naman basta mawawala sa iyo ang dadamdamin mo para sa ama ng iyong anak, dahil minsan kayong nagmahalan at naging bunga nga nito ang inyong anak. Pero kung tapat ka sa iyong hangarin na hindi makasira ng isang pamilya, mapaglalabanan mo ang iyong damdamin para sa kanya.
Isipin mo rin na kung ikaw ang nasa kalagayan ng kanyang pamilya, ano ang iyong mararamdaman kapag nalaman mong may kabit ang iyong asawa?
Sinasang-ayunan ko ang pagpapaubaya mo sa iyong anak sa kanyang ama, pero huwag na huwag mo nang ipaubaya ang iyong sarili sa tiyak na pagkakasala. Ugaliin mo ang pagdarasal para mabigyan ka ng patnubay, lalo na sa sandaling nararamdaman mo ang pananabik sa iyong ama ng iyong anak.
Sana magsilbing aral sana sa iyo at sa iba ang karanasang ito. Lalo na sa mga kabataan na nahuhumaling sa pakikipag-textmate. Hindi masasabing ligtas ang pakikipagrelasyon sa text dahil hindi mo tuwirang kilala ang sinumang maging ka-textmate at hindi malayong sapitin din nila ang nangyari sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending