Dear Dr. Love,
Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong pitak. Lumiham po ako para maibahagi ang karanasan ko sa pag-ibig at mula dito ay natutuhan kong magbagong buhay na para makaiwas sa gulo at kamatayan.
Mayroon akong nobya noon, si Rose. Maganda siya at mabait pero mahirap siyang magalit. Ayaw daw niyang niloloko siya kahit ng taong minamahal niya. Siya ang gusto kong pakasalan, pero lapitin tayo kaya hindi ko maiwasang mag karoon ng iba bukod sa kanya.
Minsan niya akong nahuling may ibang kasama sa Mall. Akala ko kokomprontahin niya ako pero binati niya lang kami. At nang dumating ako sa kanila ay ipinaghain pa ako ng puto at dinuguan.
Nang dumating ako sa aming bahay ay saka bumaliktad ang sikmura ko. Naospital ako dahil sa food poisoning. At nang makalabas, hinanap ko si Rose sa kanila pero umalis daw nang walang paalam.
Hindi ko na sinabi sa mga magulang niya ang nangyari sa akin at ang hinalang may kinalaman si Rose dito.
Mag-iisang taon na ang nakakalipas ngayon, pero hindi pa rin mawala sa isip ko si Rose. Inaalala ko rin ang sinabi niyang pagdadalantao niya.
Dapat ko pa ba siyang hanapin?
May maganda namang ibinunga ang pangyayaring ito dahil iniwasan ko na ang pagnonobya ng marami. One at a time na lang.
Napatawad ko na rin si Rose kung anuman ang ginawa niya sa akin.
Salamat po at more power.
Ernie
Dear Ernie,
Ang lahat ng gumugulo sa iyo: ang kinalaman kamo ni Rose sa iyong pagka-food poisoning at ang pagdadalantao niya.
Pero kung iisipin mo, hindi rin malabo na ang biglaang pagkawala niya ay indikasyon ng paglayo sa pananagutan sa pagkaospital mo. At kung nagawa niya ito, posible rin na hindi tunay ang kanyang pagdadalantao.
Kaysa hanapin siya, mas makabubuting ipaubaya mo na lang sa tadhana ang muling pagkukrus ng inyong landas.
Alalahanin mo rin ang leksiyong naituro ng pakikipagrelasyon kay Rose. Natural lamang na hindi mo basta makakalimutan ang taong mahal mo at isa pa may guilty feelings ka rin kasi sa mga nangyari sa inyong dalawa.
Dr. Love