Dear Dr. Love,
Isang malugod na pagbati sa’yo Dr. Love. Tawagin n’yo na lang po ako sa pangalang Mr. Virgo, 23 years old. Nagka-girlfriend po ako at nagkaroon kami ng anak.
Hindi po kami nagsasama pero itinuturing ko na siyang asawa dahil may anak kami. Pinagbawalan ko siyang makipag-textmate. Dahil gusto ko na matutukan niya ang pag-aalaga sa aming anak. Pero hindi niya ako sinusunod.
Nitong huli, ang malalang pagtatalo namin ay tungkol din dun. Dahil ex niya ang ka-text niya at nagsisinungaling siya sa akin.
Nakakaramdam po ako ng threat sa aming relasyon. Hindi ko inugali ang magselos pero nakakakita ako ng dahilan sa mga ginagawa niya kaya hindi ko mabalewala ang pakiramdam na ‘to.
Dahil sa nangyari, inilalayo na niya ang anak namin kahit na sustentado ko ang bata. Nagalit po ang mga magulang ko, kaya sinabi ko na tuwing may okasyon na lang din ako magsusustento dahil hindi ko man lang mahawakan ang anak ko.
Dr. Love tulungan po ninyo ako. May karapatan din naman po ako sa bata, di ba?
Mr. Virgo
Dear Mr. Virgo,
Kahit anak mo ang bata, hindi naman kayo kasal ng nobya mo, magkaroon man kayo ng kaso, sa babae pa rin ibibigay ng korte ang pag-aalaga ng bata. Pinakamainam ay pag-usapan ninyo ng mabuti ang inyong relasyon dahil walang higit na apektado kundi ang inyong anak.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)