Nawalan ng tiwala
Dear Dr. Love,
Isa po akong bilanggo. Hustisya para sa aking mag-ina ang habol ko kaya inisa-isa ang grupong nanggahasa sa aking buntis na asawa saka pinatay.
Hubad at tadtad ng saksak ang kalunus-lunos kong asawa nang datnan ko isang gabi sa aming tahanan. Marami ang report na nakarating sa pulis at sa paniniwala ko ay halos kahibla na lang para matukoy ang mga suspect.
Pero ang masaklap ay wala pa daw lead ang mga awtoridad. Bagay na nagtulak sa akin para hanapin at isa-isang paslangin ang grupo ng mga kalalakihan na nagsisiga-sigaan sa aming lugar.
Sinira nila ang buhay ko at ng pamilya ko, Dr. Love.
Payuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Angelito Benas
Maximum Compound
DPPF, Dapecol
Davao del Norte
Dear Angelito,
Masakit nga ang nangyari sa iyo.
Nawalan ka man ng tiwala sa mga tagapagpatupad ng batas at sa hustisya, hindi ka naman dapat nawalan ng tiwala sa Diyos na Siyang nakakaalam ng lahat sa pangyayari sa ating buhay.
Hindi pa naman huli ang lahat para pagsisihan mo at pagtikahan ang nagawang kasalanan.
Bagaman may kasabihang kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran, hindi mo sana inilagay sa mga kamay mo ang batas.
Ang Diyos lang ang may kapangyarihang kunin ang hiram na buhay na ipinagkaloob niya sa tao.
Magpakabuti ka d’yan sa loob at huwag kang makakalimot na tumawag sa Diyos. Hindi ka Niya pababayaan dahil tayong lahat ay mahal ng Panginoon.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending