Dear Dr. Love.
Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Mike. Isa po ako sa masugid na sumusubaybay sa inyong pitak sa pamamagitan ng internet.
Ako po ay 29 years old at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang inhenyero dito sa China. Nakakauwi po ako sa Pilipinas tatlong beses sa isang taon.
Ako po ay isang binata ngunit plano ko pong makapag-asawa na sa susunod na taon. Meron po akong nililigawang dalawang babae, isa po ay isang professional, sa Makati nagta-trabaho at ang isa po ay isang sales lady. Ito pong sales lady ay kababata ko at matagal ko ng kaibigan. Samantalang ‘yung isa po ay nakilala ko lamang mga dalawang taon na ang nakakalipas.
Parehas ko po silang mahal at ngayon po ay nahihirapan akong pumili kung sino sa kanila ang ipu-pursue ko na ligawan at yayaing magpakasal. Masaya po silang kasama at batid ko po na naghihintay sila sa akin ng move. Humingi na po ako ng payo sa aking mga magulang at kaibigan pero hati rin po, me pumababor po sa bawat isa. Ngayon po ay dinaraan ko sa dasal na sana po ay magbigay ng “sign” ang ating Panginoon kung sino po sa kanila ang nararapat sa akin.
Maraming salamat po, sana po ay may maibahagi rin kayong payo sa akin. God bless po.
Mike
Dear Mike,
Bakit hindi mo daanin ang dalawang babae sa pagsubok?
Halimbawa, mayroon kang malaking problema sa pera at kailangang-kailangan mo ito para mabayaran ang matagal mo nang pagkakautang . Tingnan mo kung ano ang gagawin nila para matulungan ka. Halimbawa lang naman ito.Puwede kang mag-imbento ng sarili mong sitwasyon .
Halimbawa uli,mayroon kang sakit at kailangan mong tumigil sa pagtatrabaho . Mga ganyang sitwasyon.
Puwede mo ring subukan ang sarili mo kung sino talaga ang mahal mo sa kanila.
Bakit hindi mo kapwa sila layuan pansamantala. Kung sino ang mas hahanapin mo sa trial separation,iyon ang mas mahal mo. Hindi ba mas magandang mas mahal mo ang isang babaeng gustong pakasalan para hindi ka magsisi sa dakong huli.
Dr. Love