Nobisyada ang minamahal
Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa pangalang Dante, isang bilanggo sa pambansang bilangguan. Nakulong ako sa kasong homicide. Alak at droga ang naging paraan ko para makalimot sa kabiguan sa nililigawang nobisyada.
Sa araw-araw na pagpupursige kong mapaibig siya, namalayan ko na lang na nasa kumbento na siya.
Para akong maiiyak noon. Dama ko, namatay na ang aking puso. Dito na ako nagwala, natutong magbisyo hanggang sa mapatay ang isa sa aking barkada na laging tumutukso sa akin na naiwanan na daw ako ng biyahe ng barko.
Nalaman ni Mayla ang nangyari kaya ipinaabot niya ang kalungkutan sa sinapit ko. Gusto niya rin malaman ko na masaya siya sa kanyang kinaroroonan.
Hindi ko pa malimot si Mayla, ang kanyang mga payo sa akin at ang noon ay pilit niyang paglalapit sa akin sa Panginoon na anya’y siyang may dakilang pagmamahal sa lahat.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko. Hangad ko ang patuloy na tagumpay ng column ninyo.
Dante
Dear Dante,
Salamat sa liham mo. Mahirap talagang umasam na makukuha mo sa anumang paraan ang lahat mong ninanais sa buhay. Naging desperado ka sa pagpapaibig ng isang babaeng ini lalaan na ang sarili sa Panginoon. Kung talagang tunay ang pagmamahal mo kay Mayla, dapat inirespeto mo ang kanyang pasya. Magpakabuti ka sa rehabilitasyon diyan para maaga kang makalaya. Natitiyak ko na idinadalangin ni Mayla ang makabubuti para sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending