Dear Dr. Love,
Isa po ako sa mga masugid na mambabasa ng inyong column. Ako ay OFW, itago n’yo na lang po ako sa pangalan na Mr. Virgo. Halos mag-3 years na po kami kasal ng misis ko at wala pa po kaming anak.
Noong una, wala kaming nagiging problema dahil nagkakasya ang ipinadadala ko sa kanya. Nakapag-aadvance pa nga kami ng payment sa binabayarang lupa.
Pero nitong nakaraang taon, hindi siya nakakaipon. Sa amin po nakatira ang kapatid niya at mommy bukod pa ang tatlong helper na pinagtalunan na namin noon.
Napapadalas na po ang pagtatalo namin tungkol sa pera dahil hindi ko na makaya ang responsibilidad, ako ang nagbabayad ng lahat pero powerless ako sa aming inuupahan dahil ayaw kong magkasagutan kami ng mommy at ate niya.
Minsan sinabihan ko ang aking asawa na magtipid pero siya po ay nagagalit dahil hindi ko daw nakikita ang effort n’ya gayong sa totoo ay wala naman po talaga kaming naiipon.
Masakit isipin na napakahirap mag-work abroad and yet ang effort ko po ay parang walang nangyayari sa dahilang hindi po kami maka-move on sa mga pangyayari sa aming buhay.
Dr. Love sana po ay mapagpayuhan n’yo po ako sa aking suliranin.
Gumagalang,
Mr. Virgo
Dear Mr. Virgo,
Ituring mong mapalad ka kumpara sa ibang OFW na ang perang ipinadadala sa mga misis ay ginagastos pala sa ibang lalaki. Maski papaano, may bagay akong hinahangaan sa misis mo. Matulungin sa sarili niyang pamilya. But of course, may epekto iyan sa inyong future. Hindi ko sinasabing hindi problema ang dinadala mo.
May kabigatan nga ang problemang iyan dahil lumobo ang pamilya mo dahil sa mga kaanak ng misis mo na sumandal sa inyo. Mahirap ipagtabuyan iyan nang hindi kayo mag-aaway na mag-asawa.
Wala akong maisip na payo kundi ikaw na mismo ang magtabi ng impok ninyo. May SSS ka ba? Puwede ka marahil mag-member at ikaw mismo ang mag-remit ng pera para sa darating na panahon na mayroon kang pensyon na tatanggapin.
Dr. Love