Walang tiwala sa sarili
Dear Dr. Love,
Una sa lahat nais ko pong batiin ang inyong dyaryo ng magandang umaga.
Itago n’yo na lamang po ako sa pangalang Chris. Namromroblema po ako sa aking sitwasyon ngayon. Nakilala ko si Tin sa isang blind date, pero kinuntsaba ko ang aking kaibigan na si Peter na siyang makiharap sa kanya.
Pero sa kabila nito ay nasasaktan ako dahil, mahal ko na si Tin. Nag-aalangan nga lang ako dahil mukhang natitipuhan niya si Peter, na guwapo, matangkad, maputi at may magandang trabaho bilang call center agent. Ako naman kabaliktaran ng lahat ng katangian niya at isang construction worker lamang.
Pero bukod sa malaking posiblidad na tuluyang mapunta kay Peter si Tin, pinangangambahan ko po na saktan lamang siya ng aking kaibigan. Dahil sa minsan pagkakausap namin ni Peter, sinabi niya na balak niyang perahan si Tin. Si Tin po pala ay mayaman at isang heridera.
Mahal ko si Tin at ayaw ko siyang masaktan. Kaibigan ko si Peter at ayaw kong mag-away kami. Ano na po ang aking dapat gawin, Dr. love?
Tunay na sumusuporta,
Chris
Dear Chris,
Patawarin mo ako pero malaking katangahan ang ginawa mo eh. Nakipag-blind date ka by proxy at ang representative mo ay guwapo. Hindi ko makita ang lohika ng ginawa mo. Hayan, nagkagusto tuloy ang blind date mo sa kaibigan mo.
Ang ginawa mo’y bunga ng kawalang tiwala mo sa iyong sarili. Porke ba hindi ka guwapo ay ikahihiya mo na ang iyong sarili? Mali. I’m sure may katangian kang iba na puwede rin namang hangaan.
Kalimutan mo na lang si Tin. Kung nagkagusto man siya sa kaibigan mo dahil makisig, problema na niya ‘yon.
Dr. Love
- Latest
- Trending















