^

Dr. Love

'Biniboy'

-

Dear Dr. Love,

Bago po ang lahat, isang masaganang pangu­ngumusta.

Wala po akong ibang hangad sa pagliham sa inyo kung hindi ang maihinga ang aking sama ng loob. Hindi ko po alam kung kanino. Kung sa aking sarili, sa aking mga magulang na nagbigay buhay sa akin o sa mundo.

Ako po Dr. Love ay isang gay. Kung tawagin ako sa aming lugar noon ay isang binabae o biniboy. Hindi ko po naman gustong itago ito. Kagalitan ko man ang sarili, talagang pusong babae ako.

Bata palang ako, pilit akong pinagbabago ng aking ama. Pero kahit anong parusang gawin niya sa akin, lumalabas ang aking likas na pagiging binabae.

Ikinahihiya po ako ng aking ama. Lagi kasi siyang natutukso ng kanyang mga kumpare. Bakit daw macho ang tatay ko ay nagkaroon ng anak na tulad ko.

Dahil sa feeling ko, itsapuwera ako sa pamilya namin, naglayas ako. Binuhay ko ang sarili sa pamamagitan ng iba’t ibang trabaho. Nariyang naghugas ako ng pinggan sa restaurant, naging serbidor at iba pa. Ang ginawa ko, nag-aral ako ng pagiging beautician at nang makaipon ng sapat na puhunan, nagtayo ng isang maliit na beauty parlor.

Mula sa aking mga kapatid, nabatid ko na ang tatay ko ay tuluyan nang naging lasenggo at sugarol lalo na nang mamatay ang aking ina.

Kinuha ko ang dalawang kapatid na babae nang mahinto na sila sa pag-aaral at kinatulong ko sa parlor.

Ang naiwan lang sa poder ng aking ama ay ang dalawa kong kapatid na lalaki na nang mahinto rin sa pag-aaral ay nagpasada na lang ng tricycle.

Dumating ang kinatatakutan namin. Naatake ang aking ama dahil sa bisyong alak. Humingi sa akin ng saklolo ang dalawa kong kapatid na lalaki para maipasok sa ospital si Itay.

May hinanakit man ako sa aking ama, kung anuman ang naimpok ko ay ibinigay kong lahat iyon sa kanyang pagpapagamot. Pero naparalisa pa rin siya.

Nang malaman ng itay ko na sa akin nanggaling ang perang ipinangpagamot sa kanya, kinagalitan pa niya ang mga kapatid ko.

Masakit aminin sa sarili ang katotohanan. Hindi kailanman ako puwedeng mahalin ng aking ama dahil sa aking katauhan.

Ano po ang dapat kong gawin? Hindi ko ginustong magkaganito ako. Kailan ako kikilalaning anak ni Itay?

Gumagalang,

Kris

Dear Kris,

Huwag mong isiping hindi ka mahal ng iyong ama. Kung noon ay pinaparusahan ka niya dahil sa pagiging gay, marahil nais lang niyang mahilot na magpa­kalalaki ka.

Kung ang tingin mo, matigas ang puso ng iyong ama, may palagay ako na itinatago lang niya ang kan­yang pag-amin sa katotohanang ikaw ay anak niya, isa ka mang gay o binabae.

Macho kamo ang iyong itay. Natuto siyang mag-inom at magsugal nang mamatay ang ina mo na sinun­dan mo pa ng pag-alis sa tahanan. Hindi ka naging tamad. Pinatunayan mong mayroon kang abilidad. Umasenso ka sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Inaruga mo pa ang dalawa mong kapatid na dapat ay siya ang may responsibilidad.

Hindi niya maaming nagkamali siya ng trato sa iyo.

Kaya kung ako ikaw, lalo mong ipakita sa kanya na mahal mo at respetado ang iyong ama anuman ang naging masamang trato niya sa iyo.

Puntahan mo siya at humingi ng tawad sa paglalayas mo. Makikita mo, maaaring siya man ay humingi ng tawad sa iyo.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)

AKING

AKO

AMA

DEAR KRIS

DR. LOVE

KUNG

NANG

NIYA

PERO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with