Dalawang taong mag-asawa
Dear Dr. Love,
Bago po ang lahat, taos puso akong bumabati sa inyo ng isang magandang araw. Sana po, nasa mabuti kayong kalagayan at laging maligaya.
Ako po si Jaime Landas, isang inmate dito sa pambansang piitan. Noon pong hindi pa ako nakukulong, isa akong simpleng manggagawa na naghahangad na makaahon sa hirap.
Naging inspirasyon ko sa aking pangarap si Marina, isang kahera sa bakery. Matapos ang dalawang taong panunuyo, nagpakasal siya sa akin at nagka-anak kami. Sa labis na kaligayahan, inakala ko na wala na itong katapusan.
Hanggang sa isang pagsubok ang nagpabago ng lahat. Hiniling ni Marina na makapagtrabaho siyang muli. Simula nang ikasal kasi kami ay pinahinto ko na siya. Hindi ko siya pinayagan, Dr. Love. Dahil ayaw kong umalis siya at mangibang-bansa. Pero hindi niya ako sinunod.
Makailang-ulit siyang naglayas kung saan iniiwan niya ang aming anak sa kanyang ina.
Noong una, nalaman ko na nagtatrabaho siya bilang waitress sa isang karinderya. Pero nang lumaon tuluyan na siyang nawala at nabalitaan ko na lang na sumama na sa ibang lalaki.
Gusto kong kunin ang bata pero wala namang mag-aalaga sa bahay kung ako ay wala at nasa trabaho. Kaya dinadalaw ko na lang ang bata, kada linggo at kung wala akong pasok.
Hindi ko kinaya ang lahat, Dr. Love kaya nasangkot ako sa gulo na humantong sa aking pagkakabilanggo.
Dr. Love, nais ko pong hingin ang inyong payo. Gulung-gulo po ang aking isip. Wala na po akong ibang matakbuhan.
Gumagalang,
Jaime
Dear Jaime,
Mahirap tanggapin ang katotohanan na ang pinakasalan mong babae ay nagbago ng kalooban. Maaaring nabigo siya sa kanyang mga inaasahan sa buhay o kaya’y hindi na nasisiyahan sa kanyang kalagayan lalo pa nga’t mula sa dati siyang nagtatrabaho ay napako na siya sa bahay.
Hindi mo siya pinayagang mag-abroad para magtrabaho. Nagrebelde siya. Nasikil siya. Puwede naman ninyo itong pag-usapan sana. Pero hindi naman dapat na naglayas siya at inabandona ka.
Nangyari na iyan. Huwag mo nang sisihin ang sarili sa paglayas ng iyong asawa. Kulang siya ng pagmamahal at respeto sa iyo. Kung mayroon siyang damdaming ina at asawa, hindi niya gagawin ito sa iyo.
Anyway, ang asikasuhin mo ay ang magpakabuti ka diyan sa bilangguan. Paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pagsasamantala sa libreng pag-aaral at pagsisikap na matututo ng ibang alternatibong mapagkikitaan sa sandaling lumaya ka na.
Saka mo na asikasuhin ang tungkol sa anak mo sa sandaling makalaya ka na.
Good luck at matutuhan mo sanang patawarin na ang iyong asawa.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending