Inonse ng kaibigan
Dear Dr. Love,
Isa pong taus-pusong pangungumusta at pagbati sa inyo ganon din sa lahat ninyong mahal sa buhay.
Naglakas loob po akong lumiham sa inyo para maibahagi ang karanasan ko sa buhay. Ang masakit na ginawa sa akin ng isang kaibigan na siyang dahilan kung bakit ako narito ngayon sa kulungan.
Pero sa kabila nito, nais ko rin magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Marahil, gusto ko ring mapatunayan sa sarili na kung mayroon mang mga hindi matapat na kaibigan, marahil mayroon pa ring ibang tapat at marunong magpahalaga sa pinagsamahan.
Ako po si Manuel S. Artigas, 35 years old at tubong Cavite.
Natutulog ako noon sa aming tahanan nang dumating ang aking kaibigan at humingi ng tulong para mabalikan ang mga umargrabiyado sa kanya.
Sa lugar na iyon, nagkainitan at nagkarambulan na ikinasawi ng isa. Nakatakas ang kaibigan ko at ako ang siyang dinatnan ng mga pulis kaya dinakip, sinampahan ng homicide at nahatulan na mabilanggo ng anim hanggang walong taon.
Nakakatatlong taon na ako dito pero at large pa rin ang kaibigan ko. Masakit po sa kalooban ko ang pagdusahan ang pagkakasalang nasabit lamang ako dahil sa kaibigan.
Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.
Maraming salamat at more power.
Ang inyong tagasubaybay,
Manuel “Noel” Artigas
1-B Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Manuel,
Masakit talagang maonse ng isang itunuturing na kaibigan. Pero sana noong humingi ng tulong ang kaibigan mo dahil sa pagka-agrabiyado niya, pinayuhan mo na lang siyang maging mahinahon at idaan na lang sa kaso ang mga taong umagrabiyado sa kanya.
Hindi malinaw sa sulat mo kung sino sa inyo ng kaibigan mo ang nakadisgrasya. Pero kung hindi ikaw, dapat humanap ka ng testigo para mapatunayang hindi ikaw ang salarin. Sana lumitaw ang kaibigan mo at akuin ang kasalanan kung sino ang nakadisgrasya sa nasawi.
Magsilbing aral nawa sa iyo na hindi nadadaan sa init ng ulo at pabigla-biglang komprontasyon ang isyung ito. Dapat dumulog kayo sa barangay o kaya’y nagharap ng kaso sa korte kung talagang masyadong naagrabiyado ang kaibigan mo.
Ang pakay niya sa paghingi ng tulong mo ay gumanti at wala nang iba.
Mabuti naman at nagpapatuloy ka sa pag-aaral diyan sa piitan.
Sana nga, makatagpo ka ng mabuting kaibigan at sa aspetong ito ay hinahangaan kita dahil hindi nawawala ang tiwala mo sa tao.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending