Dear Dr. Love,
Isang masaganang pangungumusta sa inyo.
Ako po si Elbert Callet, isang bilanggo dito sa pambansang bilangguan. Nais ko pong maibsan ang kalungkutan ko kaya ako lumiham sa inyo, Dr. Love.
Isang snatcher ang naging dahilan ng pagkakakulong ko, makaraang saklolohan ang biktima nito. Naagaw ko ang patalim na ipananaksak niya sa akin, pero ito ang pumatay sa kanya. Makaraang madala ako ng aking kabiglaan. Kusa po akong sumuko.
Walang alam ang aking pamilya sa probinsiya, sa kinasapitan ko sa Maynila. Nangungulila ako sa kanila dahil buhat nang makulong ay wala pang dumadalaw sa akin.
Labing limang taon ang aking sentensiya. Payuhan po ninyo ako. Ano po ang dapat kong gawin?
Sana po, mabasa ito ng aking mga kapatid para malaman nila ang nangyari sa akin. Hiling ko rin po na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Lubos na gumagalang,
Elbert Callet
Student Dormitory MSC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Elbert,
Nakagawa ka ng pagkakasala sa hangad mong makatulong sa iba. Kaya nga lang, ang mali mo lang napatay mo ang salarin sa hangad marahil na hindi mo na siya bigyang pagkakataong ikaw naman ang atakihin.
Sulatan mo ang iyong pamilya para ikaw mismo ang siyang personal na magpaabot sa kanila ng buong pangyayari.
Mabuti kang tao dahil hindi mo ipinagkait ang tulong sa nangangailangan. Kaya nga lang, sanay pinilayan mo lang ang snatcher at hindi pinatay.
Dr. Love