Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw ang aking ipinaaabot na pagbati sa iyo. Ako po si Tomas, 21-anyos at isang delivery boy.
May nililigawan ako. Tawagin mo na lang Riza. Isa siyang tindera sa isang sari-sari store.
Anak siya ng may-ari ng tindahan na tutol sa akin. May relasyon na kami ni Riza. Pero bigla siyang nakipag-break sa akin. Kasi po pinagbawalan siya ng mga magulang niya.
Mahal na mahal ko si Riza ngunit ayaw akong bigyan ng pagkakataon ng kanyang mga parents. Kahit delivery boy lang ako’y nagsisikap naman. Nag-aaral din po ako ng computer.
Gabi-gabi ay nilulunod ko sa alak ang aking sarili para makalimutan ko si Riza. Ano ang dapat kong gawin para maging good ako sa kanyang mga magulang?
Sana mabigyan mo ako ng payo.
Tomas
Dear Tomas,
Huwag kang maglasing dahil lalo lang papangit ang tingin sa iyo ng mga magulang ni Riza. Hindi ba ang gusto mo’y maging “good” ka sa paningin nila?
Sa kabila ng pagtutol nila sa inyong relasyon, ipagpatuloy mo ang iyong pagsisikap na umunlad ang kabuhayan.
Marami riyan na walang natapos sa paaralan pero naging matagumpay na negosyante.
Marahil, concerned lang ang mga magulang ng iyong kasintahan sa kinabukasan ng kanilang anak kaya tumututol silang makipagrelasyon ang kanilang anak sa iyo na isang delivery boy lang. Sikapin mong makatapos sa kursong computer at patunayang kaya mong buhayin si Riza pagdating ng araw.
Dr. Love
Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.