Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, masaganang pangungumusta.
Ako po si Paul Rico Tagle, 24-anyos at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.
Labing-walong taong gulang pa lang ako nang manilbihan sa naging hatol ng korte na mula 8-12 taong pagkabilanggo sa isang pagkakasalang hindi ko ginawa. Biktima ako ng pangdedenggoy.
Isa po akong tricycle driver, naghahanda nang pakasal nang mangyari ang lahat.
Isang babae ang umarkila sa akin. Nagpapahatid at nagpapahintay siya sa pupuntahan naming lugar kung saan maniningil daw siya ng pautang.
Pero niloko niya ako dahil isa pala siyang akyat-bahay. Nakatakas na siya matapos looban ang bahay na pinaghatidan ko sa kanya. Natuklasan ito ng may-ari ng bahay. At dahil nalaman nilang hinihintay ko ang babae, ako ang ipinadakip nila. Hindi ko naisalba ang aking sarili dahil wala akong budget. Wala akong mahusay na tagapagdipensa sa kasong isinampa laban sa akin. Naisahan na ako, iniwanan pa ng babaeng minamahal ko.
Pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Ngayon ay nag-aaral ako dito sa loob para mapaunlad ang aking kaalaman.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito at sana ay matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Gumagalang,
Paul Rico Tagle
Student Dorm 232
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Paul,
Masakit nga ang dumanas ng “double whammy”. Naloko ka na ng iyong pasahero, iniwan ka pa ng minamahal mo. Pero dapat sana iniapela mo ang kasong ito para napababa pa ang sentensiya mo.
Anyway, ang sabi mo nga, wala kang kamuwang-muwang sa batas at wala ring pera para sa iyong depensa. Mayroon namang mga libreng abogado ang gobyerno na dapat sana’y nahingan mo ng tulong.
Magkagayunman, pagbutihin mo ang pag-aaral diyan sa loob. Sapagkat natitiyak ng pitak na ito na sa bandang huli, bibihisin din ang mga taong ipinagdusa mo sa kulungan.
Dr. Love