Nakulong dahiL sa pagsaklolo
Dear Dr. Love,
Nawa’y sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan.
Marahil naman po ay hindi lingid sa inyo ang kalungkutan nang tulad kong bilanggo. Damdam ko, abandonado na ako. Dahil nangungulila sa aking pamilya at mga kaibigan. Kaya naman po tila nawalan na ako ng pag-asa sa buhay dahil sa paghihinagpis.
Ako nga po pala si Donald S. Sarita, 40 years old. Dati po mayroon akong trabaho sa Cavite sa aming lugar. Dahil sa hindi sinasadyang pagkakataon, nakapatay ako ng tao. Ngayon, ako ay narito sa pambansang bilangguan.
Tandang-tanda ko pa po ang pangyayaring yaon na siyang nakapagpabago sa aking buhay.
Mula ako sa aking trabaho dakong alas siyete ng gabi. Habang naglalakad, pauwi sa bahay, mayroong tao na lumapit sa akin. Duguan siya at humihingi ng tulong na madala sa pagamutan. Binugbog daw siya ng isang grupo. Nagdalang-habag naman ako.
Lingid sa kanyang kaalaman, nasundan pala siya ng mga humarang sa kanya at pilit nilang inaagaw sa aking proteksiyon ang lalaking iyon. Pinakiusapan ko silang maging mahinahon at pahintulutan na akong madala ang tao sa pagamutan.
Pero matigas sila sa gusto nilang mangyari. Nang hindi ako pumayag, ako naman ang inundayan ng saksak. Nagpantig ang tainga ko at nanlaban. Naagaw ko ang balisong na hawak ng isa sa kanila. Sa kabiglaanan, naisaksak ko iyon sa may hawak ng patalim.
Hindi ko po gustong makadisgrasya ng tao. Nagmagandang loob lang po ako sa taong humihingi ng tulong. Ang resulta, nakulong ako sa salang pagpatay.
Sobrang hirap pala ang mabilanggo. Bukod sa nawalan na ng kalayaan, kinalimutan na ako ng aking pamilya. Pati ang babaeng minamahal ko iniwan na ako tangay ang lahat nang naipundar kong ari-arian. Gulung-gulo ang aking isip. Nawalan na ako ng pag-asa sa buhay.
Sa pamamagitan po ng sikat ninyong column, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Umaasa po akong mabibigyan ninyo ako ng oras at panahon para mailathala ang sulat na ito.
Marami pong salamat at pagpalain kayo ng ating Mahal na Panginoon.
Lubos na gumagalang,
Donald G. Sarita
Student Dorm, Bldg. 4 1-C
YRC, MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Donald,
Nakalulungkot na mayroong mga taong halang ang kaluluwa na gumagawa ng masama sa kapwa at nabiktima ka ng mga taong ito.
Nagnais kang tumulong sa nangangailangan pero dahil sa grupong ang tangka ay mangibabaw ang kanilang kagustuhan at yurukan sila, nadungisan ang mga kamay mo.
Maaaring isa lang itong challenge sa iyo, kung gaano katatag ang kalooban mo na mapangibabaw ang kabutihan sa kabila nang ikaw naman ang nalagay sa delikadong sitwasyon.
Dahil sa nakapatay ka ng tao kahit hindi sinasadya, kailangan mong pagsilbihan ang hatol ng korte.
Ang pagtalikod ng babaeng minahal mo ay isa ring panibagong pagsubok sa iyo. Mabuti at nakilala mo siya. Kaya nga lang, pati ari-arian mo ay inubos niya.
Patawarin mo na lang siya dahil kung naniniwala ka sa karma, ang masama niyang ginawa sa iyo ay may katapat na parusa.
Sana, magkaroon ka ng maraming kaibigan para manumbalik ang tiwala mo sa tao.
Dr. Love
- Latest
- Trending