Dear Dr. Love,
Bago po ang lahat isang taos-pusong pagbati sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Nais ko po sanang maibahagi sa inyo at sa libu-libo ninyong mambabasa ang malungkot kong kuwento ng pag-ibig na ang malagim na pagkamatay ng nobya ang naging daan para ako ay mawalan ng pag-asa sa buhay, nagwala at nakulong.
Dati po akong taxi driver. Noong 2002 sa aking pagpapasada, mayroon akong pasaherong naging kakilala na tawagin na lang nating “Menehe”.
Humigit kumulang sa limang buwan ko siyang naging regular na pasahero at sa panahong ito, na-develop ang aking pagmamahal sa kanya.
Kahit asiwa ang katayuan naming sa buhay, minabuti kong ipagtapat sa kanya ang aking nararamdaman at sa kabutihang palad, may katugon din palang damdamin ang inilaan kong pag-ibig.
Kailanman’ y hindi ko malilimutan ang maganda naming pag-iibigan. Mabait siya at marunong umunawa sa akin.
Kaya naman, itinuturin kong isang malaking suwerte sa akin ang pagkakaroon namin ng relasyon dahil naging pursigido ako sa trabaho.
Ang akala ko, wala nang katapusan ang aming kaligayahang dalawa. Hanggang minsan, sa parking lot na pinagpaparadahan ko ng sasakyan nakita kong mayroong pinagkakaguluhan ang mga tao.
Mayroon isang taong nakahandusay doon na naliligo sa dugo.
Ikinabigla ko ng husto nang makita kong si Menehe pala ang taong iyon, na wala nang buhay. Hindi ko mapigilan ang mapaiyak.
Hindi ko matanggap ang nangyari kay “Menehe”.
Sa pagkamatay ng minamahal ko, nagsimula ang aking pagwawala sa sarili. Nalulong ako sa bawal na gamot at iyon ang dahilan kung bakit ako nabilanggo.
Ngayon pong nalalapit na uli ang Valentines Day, sana ay matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Nais kong makalimot, nais kong makapagsimula uli at matakasan ang anino ng aking mga nagawang kamalian sa buhay.
Maraming salamat po sa inyo at muli, nawa’y magpatuloy pa ang pagtatagumpay ng pitak na ito para matulungan ninyo ang maraming tulad ko na naligaw ng landas para makapagbagong buhay.
Gumagalang,
Richard Tragora
MSC Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Richard,
Ang pagpanaw ng isang minamahal ay hindi dapat maging daan para maliko ng landas ang naiwang kasintahan o kabiyak ng puso.
Marahil, inibig ng Lumikha na maaga siyang kunin dahil tapos na ang mismong dapat niyang gampanan sa mundo.
Maaaring kinuha na siya para naman higit siyang lumigaya doon sa buhay na walang hanggang.
Marahil, ang dapat mong ginawa, ay pagyamanin ang mga naiwan niyang magagandang alala sa iyo at mga kabutihang ibinigay niya noong siya ay nabubuhay pa. Natitiyak kong hindi siya matatahimik sa kabilang buhay kung ang kanyang minamahal ay magpapakasama at maliligaw ng landas.
Kaya sikapin mong magpakabuti, talikdan na ang mga likong gawi at matutuhang bumangon sa kinadapaan.
Dalangin mo rin sa Panginoon ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa.
Dr. Love