Dear Dr. Love,
A very pleasant day to you at sana’y palaging nasa mabuti kayong kalusugan.
Just call me Edgar, a second year high school student dito sa Muntinlupa City.
Lumiham po ako sa inyo dahil nais ko lang maibsan ang aking kalungkutan at dinadalang mga problema sa buhay.
Mayroon na akong asawa at anak pero hiwalay po kami mula nang mapasok ako dito sa pambansang bilangguan.
Ako po ay inakusahan ng isang pagkakasalang hindi ko naman ginawa.
Mahal ko po ang aking asawa at anak pero iniwanan po nila ako dahil sa ako nga ay nabilanggo.
Ang buong buhay ko noon ay umiikot lang sa aking mag-ina at mula nang mawala sila sa buhay ko, gusto ko nang wakasan ang aking buhay.
Damdam ko, wala nang silbi ang buhay ko at ang lahat kong pangarap sa buhay ay gumuho.
Salamat na lang at mayroon ako ritong mga kasamahan na siyang walang sawang nagpapayo sa akin na lakasan ko ang aking loob at sikaping maibangon ang nasira kong pangalan.
Pero paano? Kalaunan, naisip kong tama nga sila na dapat kong ipagpatuloy ang buhay ko. Kailangang maituwid ko ang landasin ng aking buhay.
Ngunit kung minsan, nasasabi ko sa sarili na hanggang kailan kaya ang paghihirap kong ito?
Kailan kaya ako makakatagpo ng isang babaeng magmamahal sa akin ng lubos? Mayroon pa kayang magtitiwala sa akin dahil sa aking naging karanasan sa buhay?
Para malimot ang nangyari sa aking buhay, sinisikap ko ngayong maging busy sa pagbabasa, naglalaro ng basketball at nagpapatuloy dito ng pag-aaral.
Nais kong manumbalik sa normal ang aking buhay pero hindi ko maiwasan na mag-isip at mula po ba rito sa bilangguan, mayroon pa kayang naghihintay sa aking kaligayahan?
Sana po, mabigyan ninyo ako ng payo. Nais kong magkaroon ng mga mabubuting kaibigan, yaong tapat at hindi tatalikdan.
I need friends.
Maraming salamat po at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang adhikaing makatulong pa sa maraming mayroong mga problema sa buhay.
Gumagalang,
Edgar Laureta
Student Dorm 4-A
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Edgar,
Hangad ng pitak na ito na magkaroon ka ng maraming pen pal na makapagkakaloob sa iyo ng panibagong inspirasyon at pag-asa sa buhay.
Huwag mong isiping wakasan na ang buhay mo. Labag iyan sa batas ng Diyos. Kaya mo ang mga dumarating na hamon sa buhay. Basta huwag ka lang makalimot sa pagtawag sa Diyos. Hindi ka niya pababayaan.
Idagdag mo sa mga aktibidad mo diyan sa bilangguan ang pagiging aktibo sa gawaing relihiyoso. Makikita mo, magkakaroon ka ng kapayapaan ng isipan.
Huwag mo nang masyadong isipin ang lumayo mong asawa. Nawalan lang siya ng tiwala na makakalaya ka pa at inuna niyang bigyang pansin ang kanyang pangsariling kapakanan.
Saka mo na lang sikaping makita pa ang iyong anak sa sandaling lumaya ka na.
Dr. Love