Dear Dr. Love,
Greetings in the name of our Lord Jesus Christ.
Una po, nais kong bumati sa inyo ng isang magandang araw at sana, sa panahong ito ng Pasko, ang lahat na pagpapala ng ating Poong Maykapal ay sumainyo at gayundin sa lahat ninyong mga kasamahan sa inyong sikat na pahayagan.
Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang malungkot kong karanasan sa buhay, kung paano ako nasadlak sa bilangguan at ang kasalukuyang pangamba ko sa buhay sa sandaling makalaya na ako sa piitan.
Dati po akong driver ng isang bus liner. Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang lahat kong mga pangarap sa buhay ay naglahong lahat dahil sa isang pagkakamaling hindi ko sinasadya ni naiisip man lang.
Mabilis noon ang takbo ng minamaneho kong bus. Ang akala ko, suwerte ko dahil malinis ang trapiko na bihi-bihirang nangyayari sa isang tulad kong ang hanapbuhay ay magpasada ng sasakyang pampubliko.
Ang buong akala ko, makababalik ako agad at makapaghahakot pa ng maraming pasahero.
Nang bigla kamong isang matandang lalaki ang humarang sa daraanan ng sasakyan at nawalan ako ng pagkakataong makapagpreno dahil ang akala ko, tatabi ang matandang lalaki.
Nagbusina pa naman ako nang sunud-sunod pero hindi siya tumabi kaya’t sumalpok siya sa harapan ng bus.
Nanghilakbot ako. Lord, hindi ko po sinasadya ang pangyayaring ito. Hindi ko nais na makasakit ng tao. Pero tao ako na kung minsan, may pagkakamali ang diskarte.
Agad akong sumurender sa mga awtoridad. Ang lalaking matanda ay agad dinala sa pinakamalapit na hospital. Fifty-fifty ang kanyang lagay.
Dinadasal kong makaligtas sana ang nabundol kong matanda. Pero binawian din siya ng buhay.
Halos maiyak ako sa sama ng loob. Inaamin kong nagkamali ako. Pero tao ako na mayroong limitasyon ang katatagan ng desisyon. Hindi ko sinasadya ito.
Sa ngayon, nakakulong ako sa pambansang bilangguan.
Sinusurot ako ng aking konsiyensiya. Bakit ako ang naging mitsa ng kamatayan ng isang matanda? Iginagalang ko ang mga senior citizen. Hindi ko gustong ang pagkakamali ko ang siyang maging daan ng kanyang maagang kamatayan.
May guilty feeling ako. Hindi ko alam kung paglabas ko rito, makababalik pa ako sa tanging hanapbuhay na alam ko. Paano na ako kapag malaya na? May tatanggap pa kaya sa aking magpa-drive ng sasakyan?
Litung-lito ako, Dr. Love. Sa tingin ko, lumaya man ako, wala na akong kuwentang tao.
Isa pong regalo ang hinihiling ko sa inyo sa Paskong ito na alam kong maibibigay ninyo sa akin.
Sana po, mailathala ninyo ang liham kong ito para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na magsisilbing inspirasyon ko sa buhay para sa pagbabagong-buhay.
Dalangin ko pong lumawig pa ang kolum ninyong ito para marami pa kayong matulungang tulad ko na nagdurusa sa bilangguan.
Maraming-maraming salamat po at inuulit ko, malaking tulong kayo sa maraming may malungkot na karanasan sa buhay.
Gumagalang,
Victor Salamanca
Camp Sampaguita,
Dorm 217, Muntinlupa City 11776
Dear Victor,
Merry Christmas din sa iyo!
Lahat tayo ay mayroong panahon ng kahinaan at sa pagkakataong yaon, nang makasagasa ka, wala sa tamang kundisyon ang iyong pag-iisip dahil marahil, minamadali mo ang kalinisan ng trapiko para makabalik ka agad at kumita nang malaki.
Sa isang driver, kailangan ang presence of mind at lakas ng determinasyon na makaiwas sa disgrasya.
Hindi lang para sa buhay mo kundi sa maraming pasahero na lulan ng minamaneho mong bus.
Marahil, oras na ng matandang iyon na matapos na ang pananatili niya sa lupa para tuparin ang kanyang misyon sa mundo. Maaaring naging instrumento ka lang ng napaaga niyang pagpanaw dahil malayo rin ang tinatakbo ng iyong isipan noong oras na iyon.
Kaya mahalagang sa tuwing magmamaneho, humingi ng gabay sa Panginoon para makaiwas sa aksidente at maging dahilan ng kamatayan ng iba.
Sikapin mong humingi ng tawad sa Diyos at idalangin mo rin ang kapayapaan ng kaluluwa ng lalaking nabundol mo.
Habang naririyan ka sa loob, sikapin mong makapag-aral ng ibang uri ng pagkikitaan sa pamamagitan ng pagpasok sa paaralang bokasyonal. Sa ganyang paraan, magkakaroon ka ng ideya kung anong ibang alternatibong pagkikitaan mo sa sandaling lumaya ka na.
Ang rehabilitasyon sa piitan ay hindi lang para mapagsisihan mo ang kamalian kundi maihanda ang sarili sa panibagong buhay na haharapin mo sa paglaya.
Dr. Love