Nasabit sa pagtutulak ng droga
Dear Dr. Love,
Greetings in the name of our Lord Jesus Christ!
Nawa’y sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan sa buhay, gayundin po ng inyong mga kasamahan diyan sa PSN.
Tawagin na lang po ninyo akong Raymund Duran, 24 years-old at tubong Dumaguete City.
Sa ngayon po, naririto ako sa Medium Security Compound ng Pambansang Bilangguan dahil sa kasong illegal possession of drugs.
Masakit isipin para sa akin ang pangyayaring ito. Pero huli na ang lahat nang aking mapagtanto ang bigat ng aking nagawa.
Wala na akong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan na nagkasala ako.
Ang katotohanan, hindi naman talaga ako gumagamit ng droga. Kung baga, nadamay lang ako sa ginagawa ng kaibigan ko.
Maganda sana ang layunin ko. Nais kong matulungan ang mga magulang ko at kapatid. Ang magagandang pangarap ko para sa kanila ay nag lahong lahat nang mahuli nga ako at ngayon ay nakakulong.
Ang maganda lang pangyayaring naganap sa buhay ko nang mapasok ako sa kulungan ay nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-aral.
Natutuhan ko rin ang mabubuting aral sa buhay dito at ngayon nga ay nabuhayan ako ng pag-asa na magpakabuti na para mapaaga ang paglaya.
Malungkot dito sa loob. Hindi naman ako malimit na nadadalaw ng mga miyembro ng aking pamilya dahil sa layo at kakapusan ng salapi para sa transportasyon.
Kaya nga po ang hiling ko sana sa inyo, mailathala ang sulat ko para sa pagbabakasakali na mayroong magkainteres na makipagsulatan sa akin at makipagkaibigan sa panulat.
Maraming-maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at sana, magsilbi ring magandang aral sa inyong mga mambabasa na kailanman, dapat iwasan ang droga lalo na ang pagbebenta nito.
Pinagsisisihan ko na po ang aking kasalanan at sana, mapatawad ako ng Diyos sa malaking pinsalang naidulot ko sa sosyedad dahil sa maling napasukan kong gawain.
Maraming maraming salamat uli at more power to you.
Reymund Duran
Student Dorm 281,
Bldg. 2 MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Reymund,
Maraming salamat sa liham mo at sana, tapat sa loob mo ang pagsisisi sa salang nagawa mo.
Puspusan ngayon ang kampanya ng ating gobyerno laban sa bawal na gamot.
Hindi lang sa paggamit nito kundi gayundin sa pagbebenta nito.
Ang droga ay isang salot sa lipunan at winawasak ng gumagamit nito ang kanyang sarili lalo na ang kanyang isipan.
Kaya kung ang mga kabataang Pilipino ay nalululong sa droga, hindi lang sila ang nasisira kundi maging ang himaymay ng lipunang Pilipino na nagsisimula sa pamilya.
Kung walang trabaho at walang kinikita, puwede namang humanap ng ibang paraan kahit na nga mamili at magbenta ng diyaryo bote.
Malaki nga ang kita sa pagtutulak ng droga pero isa itong malaking pagkakasala sa lipunan.
Huwag na huwag ka na uling papasok sa illegal na pagbebenta nito sa sandaling lumaya ka na.
Pagbutihin mo ang pa-aaral diyan para magkaroon ka ng magandang ideya kung anong hanapbuhay na marangal ang isusulong mo para magkaroon ng hanapbuhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending