Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Elmer, 24-anyos at binata pa rin hangga ngayon.
Noong bata pa ako, tampulan ako ng tukso ng aking mga kalaro. Ang dahilan, pandak kasi ako. Ako ay may taas na 4’11.
Pero sa kabila ng kapansanang kong ito, proportionate naman ang katawan ko at sabi ng iba, guwapo naman daw ako. Kahit maliit, hindi pormang unano na maiigsi ang mga biyas.
Natanim sa isip ko ang kapintasan kong ito kaya hindi ako makapanligaw. Inuunahan ako ng takot na baka mabasted lang ako.
Sa edad kong ito, medyo kinakabahan na ako dahil gusto ko ring magkapamilya. Sinubukan kong manligaw at maganda ang natipuhan ko. Ang taas niya ay 5’4 at maganda. Hindi naman niya ako pinagtawanan, bagkus, welcome akong pumanhik sa kanilang bahay. Tingin ko nga’y may pag-asa ako.
Pero dini-discourage ako ng aking pamilya. Baka daw matorotot ako kapag nagpakasal ako sa isang maganda at normal na babae.
Ano ang dapat kong gawin?
Elmer
Dear Elmer,
Inferiority complex ang pinaiiral mo na lalo pang ginagatungan ng mga kapamilya mo na dapat sana’y palakasin ang loob mo. Huwag mong katakutan ang bagay na hindi pa nangyayari.
Kung sasagutin ka ng babaeng iyan sa kabila ng iyong kapintasan, ibig sabihin mahal ka niya talaga. Go for it at huwag kang matatakot. Kung magkakatuluyan kayo, mahalin mo siya at maging tapat sa kanya para mawala ang pangamba mong matotorotot ka.
Dr. Love