Dearest Dr.Love,
Hello to you. Abutan ka nawa ng liham ko na masaya, walang sakit at walang problema.
Tawagin mo na lang akong Lerma, 27-anyos. Kasalukuyan akong nagtatrabaho bilang receptionist sa isang kilalang hotel.
Mayroon akong kasintahan sa probinsya. Mula pa noong high school ay magkasintahan na kami. Nagkahiwalay lang kami nang magtungo ako sa Maynila para mag-aral ng HRM. Minsan sa dalawang buwan ay nagpupunta ako sa amin sa Cebu. Sabi ko sa nobyo ko, kaunting panahon na lang ang hihintayin namin dahil gusto kong maging stable financially ang aming future.
Isa siyang negosyante sa Cebu. Namamakyaw siya ng mga gulay para i-distribute sa mga pamilihan. Pero ambisyosa kasi ako. Sa hotel, malaki ang kinikita ko at sinisikap kong maka-ipon.
Maganda ako at maraming nanliligaw sa akin. Marami sa kanila ay foreigners. Pero nanatili akong faithful sa boyfriend ko. Kung tutuusin, kapag sumama ako sa mayamang foreigner ay matutupad ang pangarap ko na yumaman. Instantly.
Akala ko ay mananatili akong tapat sa aking nobyo pero dumating sa buhay ko ang isang lalaking masyado akong na-attract. Isa siyang American mula sa New York. Negosyante siya at napakayaman.
Ngunit hindi ang yaman niya ang naka-attract sa akin. Damdam ko’y talagang in-love ako sa kanya. Mapang-akit ang kanyang blue eyes at matamis kung magsalita.
Ngunit kapag naiisip ko ang aking nobyo ay nagkakaroon ako ng feeling of guilt. Biruin mong halos sampung taon kaming magkasintahan tapos mauuwi na lang sa wala ang aming relasyon.
Naiisip ko rin na labis siyang masasaktan kung ipagpapalit ko siya.
Para akong naiipit sa dalawang pag-ibig. Wala akong itulak-kabigin sa kanilang dalawa. Hindi ko pa pormal na sinasagot ang dayuhan kong manliligaw. Pero ang alok niya ay ipagsasama niya ako sa Amerika upang i-manage ang kanyang hotel doon.
Naguguluhan talaga ako Dr. Love. Umaasa akong matutulungan mo ako sa paglutas sa aking matinding problema sa pag-ibig.
Lerma
Dear Lerma,
Lalaki rin ako at ini-imagine ko na ako ang iyong kasintahan. Masakit kung iiwanan mo ako at ipagpapalit sa iba na kung kailan mo lang nakilala samantalang tayo’y nagkarelasyon sa loob ng sampung taon.
Hindi magtatagal ang relasyon kung hindi tunay at tapat ang pag-ibig. Kaya ang maipapayo ko ay timbangin mo ang iyong damdamin. Wala kayong pinag-awayan ng iyong boyfriend kaya wala akong makitang dahilan para mo siya ipagpalit.
Kunsabagay, bawat tao ay may karapatang mamili ng mapapangasawa. Pero ginagamitian din ng talino ang pagdedesisyon. Sa kaso ng bago mong manliligaw, ngayon mo lang siya nakilala. Isa siyang dayuhan at hindi ka nakatitiyak sa iyong magiging future sa piling niya.
Isipin mo ang mga babaeng nag-asawa ng foreigner na kung kailan lang nakilala at napariwara ang buhay. Yung iba’y naging sex slave pagdating sa ibang bansa.
Para sa akin, mas mabuting maging tapat ka sa iyong present boyfriend. Pero siyempre, nasa sa iyo ang huling desisyon.
Dr. Love