Dear Dr. Love,
Sana’y matulungan mo ako sa aking problema sa pag-ibig.
Tawagin mo na lang akong Myrna, may asawa na nagtatrabaho sa Dubai.
Tuwing dalawang taon lang siya kung umuwi. Ganito siya simula nang kami’y ikasal may limang taon na ang nakararaan. Iyan siguro ang dahilan kung bakit wala kaming anak.
Dahil bihira kaming magkita, bilang na bilang ko kung ilang beses kami nagtalik. Sampung beses pa lang.
Tao lang ako para maghanap ng pag-ibig. Gayunman nagpipigil ako dahil iniisip ko na ang ginagawa niya’y para sa aming kinabuksan.
Kaya lang, sadyang maraming tukso sa aking paligid. Bilang isang empleyada, maraming lumiligaw sa akin. Isa na rito si Tony. Natatakot ako dahil parang nahuhulog ang loob ko sa kanya. Ano ang dapat kong gawin?
Myrna
Dear Myrna,
Malungkot na katotohanan na dahil sa pagkakalayo ng mag-asawa, nalalapit sila sa tukso at marami nang pagsasama ang nawasak dahil diyan.
Sulatan mo o tawagan kaya ang iyong asawa at kumbinsihin mong manatili na lang sa Pilipinas at dito magtrabaho. Kung may ipon na kayo matapos ang limang taon niyang pagtatrabaho sa ibang bansa, puwede kayong magnegosyo.
Mas mahalaga ang pag-iingat sa relasyon kaysa trabaho. Aanhin mo ang malaking kita kung mawawasak naman ang pamilya?
Dr. Love