Love letters

Dear Dr. Love,

Isa po akong avid reader ng PSN lalo na ang column na Dr. Love.

Wala po akong pinalalampas na sipi ng inyong pahayagan dahil nga sa kinagigiliwan kong basahin ang iba’t iba ninyong lathalain.

Ang suhestiyon ko lang po, sana mayroon kayong mas malaking pahina para sa mga kabataan lalo na sa mga aktibidad sa campus ng paaralan.

Tawagin mo na lang po ako sa aking palayaw na Meggie.

Teenager pa lang po ako nang tumibok ang aking puso sa isa kong kasulatan. Mula sa mga liham na pakikipagkaibigan, nauwi ang aming pagsusulatan sa ligawan. Nagkaunawaan kami ng penpal kong si Benjie sa pamamagitan ng love letters, phone calls at kalaunan ay sa pamamagitan ng e-mail.

Ang usapan naming dalawa, magkikita kami sa sandaling makatapos na kami kapwa ng aming pag-aaral sa kolehiyo.

Si Benjie ay nasa Metro Manila, ako ay nasa Metro Davao.

Malaki ang espasyong namamagitan sa aming dalawa para madaling magkita. Pero kung gugustuhin lang namin, puwede kaming magkita kung lalaanan ng panahon ang pagtatakda ng petsa ng pagtatagpo.

Anyway, pareho na kaming tapos ng kelehiyo. May trabaho na ako dito sa aming lugar na siya ko ring pinag-aralan ng college.

Pero hanggang ngayon ay wala pa ring move na nagmumula sa kanya para personal kaming magkita.

Hindi ko naman gustong sa aking panig magmula ang pag-ungkat ng napagkasunduan namin.

Ano po ang tingin ninyo? May future pa po ba ang aming relasyon na namagitan sa pamamagitan lang ng love letters?

Marami pong nanliligaw sa akin. Pero tinitikis ko ang sarili na huwag mag-entertain ng ibang manliligaw hanggang hindi nabibigyan ng solusyon ang aming dalawang problema ni Benjie.

Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito. More power to you.

Meggie

Davao City

Dear Meggie,

Kung ako sa iyo, ako na mismo ang gagawa ng sariling hakbang para alamin kung bakit atubili siyang makipagkita sa iyo.

Maraming dahilan kung bakit. Una, baka mayroon na siyang ibang nobya. Pangalawa, baka naman ikaw lang ang seryoso sa relasyon ninyo sa pamamagitan ng pagsusulatan. Ikatlo, baka naman hindi na siya malaya at pang-apat, baka napag-isip isip niyang wala namang mangyayari sa isang relasyon na nabuo lang sa pamamagitan ng sulatan.

Mahirap umasa sa wala. Lalo na kung marami ka namang manliligaw na iba. Baka sa pagpapabitin-bitin mo sa kanila, ang talagang napupusuan mong kilala ang pagkatao ang siya pang mawala sa iyo.

Hindi naman masama ang magtanong uli sa kanya, kung kailan kayo magkikita. Kung pa-easy-easy pa rin siya, kalimutan mo na lang ang penpal mo.

Ang ganyan ay nagpapakita lang na hindi siya desidido sa inyong relasyon.

Salamat sa pagtangkilik mo sa aming pahayagan at sa column na Dr. Love.

Dr. Love


Show comments