Torotot

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Rino, nasa 4th year ako ng kursong Chemical Engineering.

Mayroon akong girlfriend. Tawagin mo na lang siyang Carla. Limang buwan na kami at may nangyari na sa amin. Mahal ko siya kahit alam kong hindi ako ang unang lalaki sa buhay niya.

Pero may isang bagay akong natuklasan na nakabigla sa akin. May asawa na pala siya. Pakilala kasi niya sa akin ay dalaga siya at ang mga magulang niya ay nasa Cebu. Iyun pala, asawa niya ang nasa Cebu habang ipinagpapatuloy ang pag-aaral niya dito sa Maynila.

Minsan nang kumain kami sa labas, nakita ko nang buksan niya ang kanyang purse ang isang larawan ng lalaki. Sabi niya kapatid daw niya.

Ngunit di-nagtagal, may sumundo sa kanya sa school. Siya yung lalaking nakita ko sa kanyang pitaka. Nagtaka ako dahil imbes na ipakilala ako’y parang hindi niya ako kakilala nang silang dalawa’y umalis.

Di-nagtagal ay napilitan siyang umamin sa akin. Masakit ang nangyari dahil mahal ko siya. Ano ang gagawin ko?

Rino

Dear Rino,

Simple lang ang gagawin mo. Forget her. Pambihira ang kasaysayan mo. Karaniwan kasi ay lalaki ang nagpi-pretend na binata pero sa kaso mo, yung girlfriend mo ang nagpanggap na dalaga. Naku, sobra na talaga ka-liberated ang maraming babae ngayon.

Ituring mo na lang siyang magandang karanasan. Kahit pa mabiyuda siya ay hindi ko irerekomendang pakasalan mo siya. Baka dumating ang araw na ikaw naman ang torototin. Wala siyang kuwentang babae.

Dr. Love

Show comments