Dear Dr. Love,
How are you, Dr. Love? Ibig ko munang iparating sa iyo ang isang pinagpalang araw at nawa’y wala kang karamdaman sa pagtanggap mo ng sulat na ito.
Paboritong newspaper sa aming bahay ang Pilipino Star NGAYON at sa kaso ko, paborito kong basahin ang iyong malaganap na kolum.
Kung pupuwede, ikubli mo na lang ako sa pangalang Miles, 21-anyos. Ang problema ko ay ang aking love relations sa isang lalaki na isang kamag-anak.
Hindi ko naman ito kasalanan dahil nalaman ko lang na may blood relations kami nang kami’y magsiyota na.
Nabatid ko ito nang dumalaw siya sa bahay at ininterview ng aking mga parents. Nalaman naming na iisang lalawigan ang pinagmulan ng aking mga magulang na pawang taga-Davao at ng aking kasintahan.
Sa matagal pang pag-uusisa ay nabatid ng nanay ko na ang tatay ng boyfriend ko ay second cousin niya.
Puwede ba naming ituloy ang aming relasyon ngayong nabatid namin ang aming pagiging relatives?
Miles
Dear Miles,
Walang problema dahil malayo na ang pagiging magkamag-anak ninyo. Bale third cousin mo na ang iyong boyfriend.
Noong araw nga ay puwedeng magpakasal kahit first cousins pero lumalabas na ang mga napakalapit na magkamag-anak ay nagkakaroon ng mga supling na may kapansanan.
Sa kaso ninyo, distant relative mo na bale ang iyong boyfriend kaya legally speaking, walang hadlang sa inyong relasyon.
Dr. Love