Cradle snatcher

Dear Dr. Love,

A pleasant and warm greetings to you. Ayaw ko na sanang ilantad sa publiko ang problema ko. Kaya lang lubha na akong nababahala ng aking problema. Dahil diyan ay naisipan kong sulatan ka.

Ang pangalan ko’y Melba, 45-anyos. Hindi ka siguro maniniwala pero ang kinakasama kong lalaki ay 21-anyos lang. Ngunit hindi ko ikinahihiya kahit tuksuhin man ako ng iba na mistulang apo ko na ang aking mahal.

Si Cris ay empleyado ko sa aking grocery. Kahit bata, hard-working siya at mabait na bata. Noong una’y parang anak ang turing ko sa kanya. Pero para sa isang biyudang katulad ko, madali akong nanabik sa init ng bisig ng isang lalaki. Ako na rin ang nagpakita ng motibo at hindi nagtagal, naging kami na nga.

Napansin ko ang mga kapitbahay ko na nagbago ang trato sa akin. Para silang nanlamig sa pakikitungo sa akin at may naririnig ako na tinatawag daw akong cradle snatcher dahil sa relasyon ko sa isang “bagets.”

Sa pag-iisa ko’y napapaiyak ako. Damdam ko’y nawala ang respeto ko sa aking sarili.

Ano ang dapat kong gawin?

Melba

Dear Melba,

Ayaw kong sisihin ka sa ginawa mo. Gusto kong lawakan ang aking pang-unawa. Kaya ang masasabi ko lang ay tanggapin mo ang bunga ng iyong sariling kagustuhan. Iyan ay kung desidido kang ipagpatuloy ang relasyon sa iyong kinakasama.

May kasabihan, “sungay mo sunong mo, buntot mo hila mo.”

Pero yamang humihingi ka ng payo, heto ang masasabi ko. Putulin mo na ang iyong kahibangan at sana’y mahimasmasan ka. Ang pakikipagrelasyon mo sa isang bata ay init lang ng katawan at ang tao’y nilalang ng Diyos hindi para magpatalo sa pita ng ating laman.

Pero ang payo ay payo lang. Kung susundin o hindi ay nasa pinagpapayuhan. Kaya ang masasabi ko ay mag-isip-isip ka.

Dr. Love


Show comments