Kahit makasalanan, mahal din ng Diyos
Dear Dr. Love,
Mula po dito sa aking selda sa pambansang piitan, pinilit kong maipaabot sa inyo ang aking liham na ito para maibahagi sa inyong mga mambabasa ang isang karanasan ng isang tulad kong makasalanan na ngayon ay nagsisisi na sa aking mga pagkukulang sa lahat ng aking mga mahal sa buhay.
Bunsod po ito ng tunay kong karanasan, na kahit na nga isang patapon ng lipunan, napatunayan kong hindi pa rin ako ganap na pinabayaan ng Diyos, binuhay pa niya ako para marahil umakit sa iba pang tulad ko na ganap na magtika dahil mayroon pang magandang pagkakataon sa buhay sa hinaharap.
Dati po akong isang brat, puno ng hinanakit at galit sa puso dahil sa lagi akong bigo sa pagsusumikap ko. Nilayuan ako ng dati kong nobya dahil na rin sa hindi ko maitakwil ang masamang bisyo. Itinakwil ako ng aking pamilya dahil sa nagumon nga ako sa masamang bisyo at gawain.
Minsan, napaaway ako dahil nga puno ng poot sa aking dibdib. Ang isa sa mga sumuntok sa akin ay napatay ko. Pero bago ko siya nagapi, nasaksak niya ako at ang buong akala ko, wakas na ng buhay ko.
Pero nabuhay pa ako sa tulong ng makabagong medisina pero kahit pa ako nalibre sa lubusang pagkabalda o pagkamatay, naririto naman ako sa bilangguan para panagutan ko ang pag-utang ng buhay.
Himala ko itong itinuturing at ito ang siyang nakapagbukas ng aking isipan na kahit pala ang isang masamang tulad ko, hindi pinababayaan ng Dakilang Maykapal.
Kaya naman, magaan sa puso kong tanggapin ang kasalanan at umaasang makakalaya rin sa hinaharap pagkaraang mapagdusahan ang kasalanan.
Ang sabi ko sa sarili ko, ako ngang isang makasalanan ay binigyan pa ng Panginoon na mabuhay, e di lalo na ang mga taong walang pagkakasala.
Ito ang nag-udyok sa akin para taimtim na pagsisihan ang kasalanan, ganap na magpakabuti at magbagong-buhay.
Kaya nga, ipinangako ko sa sarili ko na matapat kong paglilingkuran ang Diyos at nagpapatuloy ako ng pag-aaral dito sa loob para makabangon sa pagkakasala.
Alam kong kahit mahirap ang magpakabuti sa isang tulad ko, gagabayan ako ng Nasa Itaas para magpakatino na at harapin ang bukas.
Maraming salamat po, more power to you at God bless you.
Allen
Student Dorm 4-A,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City
(Sinadya ko pong hindi isulat ang buo kong pangalan para maitago ang tunay kong pagkatao para hindi mapahiya ang aking mga magulang.)
Dear Allen,
Salamat sa iyo at sana, tuluy-tuloy na nga ang pagbabago mo. Ngayong nagbago ka na nang kusa o boluntaryo, marahil naman, hindi ka ikahihiya ng iyong pamilya.
Bagaman natisod ka sa pagsalunga mo sa mga hamon ng buhay, kaya mong bumangon at tumayong mag-isa kung gugustuhin mo lang sa tulong ng nasa Itaas.
Pagbutihin mo ang pag-aaral para matupad mo ang pangarap sa iyo ng iyong mga magulang.
Pagsikapan mo ring pumili ng mga kasama mong kaibigan na magtuturo sa iyo ng kabutihan at hindi siyang maglulublob sa iyo sa lusak.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga nagtitika at tama ka, yaong mga mabuti at nagpapakabuti.
Dr. Love
- Latest
- Trending