Dear Dr. Love,
First of all, binabati kita at lahat ng iyong mga masusugid na tagasubaybay ng iyong very popular na kolum.
Palagi kong binabasa ang kolum mo at hindi kumpleto ang aking araw kung hindi kita nababasa.
Tawagin mo na lang akong Mitch, 23-anyos at may asawa. Labing-walong taon pa lang ako nang mag-asawa. Nakipagtanan ako sa aking boyfriend.
Nilabag ko ang gusto ng aking mga magulang at ngayon ay nagsisisi ako.
Palibhasa’y ka-age ko rin ang naging asawa ko, ngayon ay may kinalolokohan na siyang iba. Isang Nursing student ang girlfriend niya at ito’y nalaman ko sa isang kaibigan na kakilala ang babaeng ito.
Para akong dinaganan ng langit nang matuklasan ko ito. Minsan ay pinakialaman ko ang cellphone niya at nabasa ko ang text ng babae. Sinasabing magkita raw sila sa isang retaurant.
Hindi ko alam ang gagawin ko ngayon. Gusto kong kumonsulta sa aking mga magulang pero hindi ko magawa dahil sinabihan nila ako noon na huwag nang magpapakita pa sa kanila. Nagsisisi na ako sa ginawa kong pagsuway sa mga magulang ko.
Buti na lang at wala kaming anak dahil mas malaking problema ang kanyang pagtataksil kung may anak kami. Ano ang gagawin ko?
Mitch
Dear Mitch,
Sa yugtong iyan ng iyong buhay, talagang wala kang madudulugan kundi ang iyong mga magulang.
Maaaring nasabi nila noon na huwag ka nang magpapakita sa kanila pero iyan ay bugso lamang ng kanilang galit sa iyo. Kahit ako ang iyong ama, talagang magagalit ako dahil sa pagtatanang ginawa mo.
Ngunit ang magulang ay magulang na ang damdamin ay nababagbag kapag nakikitang may mabigat na problema ang anak.
Huwag ka nang magdalawang-isip. Dumulog ka sa mga magulang mo at sa kanila ka umiyak.
Dr. Love