^

Dr. Love

Nagsisisi ako

-

Dear Dr. Love,

Isa pong mataos na pagbati sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan sa malaganap na Pilipino Star NGAYON.

Nawa’y ang patunay ng ating maawain at mapagmahal na Diyos ay sumainyong lahat.

Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng inyong pitak. Kaya ako lumiham sa inyo ay para maibahagi ko ang madilim kong kahapon at sana, ang karanasan kong ito ay huwag pamarisan ng mga kabataan ngayon.

Ako po si Eduardo Perez, 33 taong-gulang, tubong Paco, Maynila. Mula po ako sa isang may kayang pamilya. Dahil dito, masyado akong naging “spoiled” sa aking mga magulang. Bawat naisin ko ay nasusunod hanggang sa ako’y maging isang “blacksheep” sa pamilya.

Nagkaroon ako ng maraming barkada, nalulong sa masamang bisyo at dito nagsimula ang masamang bangungot sa buhay ko.

Hindi ako nakapagpatuloy ng pag-aaral at maaga akong nag-asawa dahil maaga rin akong nakabuntis ng babae.

Naging wala akong kuwentang anak, walang kuwentang ama ng aking mga anak at walang kuwentang asawa.

Dahil sa bisyo, natuto ko nang nakawan ang aking mga magulang. Pinabayaan ko na ang aking pamilya hanggang sa maubos na ang aming kabuhayan.

Itinakwil nila ako. Iniwanan din ako ng babaeng aking kinakasama at mga anak. Lalong naging magulo ang aking buhay.

Dahil wala nang maaasahang magulang na siyang magbibigay ng aking kailangang pera, natuto na akong magnakaw sa iba.

Mahabang panahon kong ipinagpatuloy ang ganitong gawain hanggang sa may makilala akong babae na nakapagpabago sa aking buhay.

Ang babaeng ito ay labis kong minahal at siya ang naging inspirasyon ko sa aking pagbabago.

Kahit ang babaeng ito ay mayroong anak at nagtatrabaho sa isang beerhouse, naging makulay ang aming pagsasama.

Naghanap ako ng maayos na trabaho upang maipakita sa aking mga magulang na kaya kong magbago.

Pero isang araw, nakita ko ang aking mahal na nakikipagtagpo sa dati niyang kinakasama. Dahil sa mahal na mahal ko siya, pinalampas ko ang pangyayaring iyon.

Subali’t minsan, mula sa trabaho, dinatnan ko sa aming tirahan ang aking mahal na asawa at ang dati niyang kinakasama na nagtatalik.

Napakasakit ang pangyayaring iyon. Nagdilim ang aking paningin at napatay ko ang lalaking iyon.

Sa takot na makulong dahil sa ginawa ko, humingi ako ng tulong sa aking mga magulang pero ipinagtabuyan nila ako dahil sa ginawa ko sa kanila.

Sa ngayon, nakakulong ako. Walang dumadamay, nag-iisa at nagsisisi sa ginawa kong mga kasalanan.

Tinangka ko sanang wakasan na ang aking paghihirap sa pag-inom ng lason pero nasaklolohan ako ng mga kasamahan ko at dinala sa ospital.

Nag-aaral po ako ngayon dito sa loob para maipagmalaki naman ako ng aking mga mahal sa buhay na hindi ko noon inalintana ang mga pangaral.

Ang kahilingan ko po sa Panginoon, makalaya ako nang maaga para mapagsilbihan pa ang aking mga magulang sa mga huling sandali nila dito sa mundong ibabaw.

Hanggang dito na lang po at more power to you.

Gumagalang,

Eduardo Perez

Student Dorm 1-A,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Eduardo,

Talagang ang pagsisisi ay laging nasa huli. Sana, diretso na ang pagbabagong-buhay mo para matamo mo ang hangaring makalaya sa madaling panahon.

Ang Panginoon ay laging handang tumulong sa mga tapat na nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya.

Binawian ka lang ng babaeng ito dahil sa nagawa mong pagkakasala sa iyong mga magulang at mga anak.

Sana, kung makalaya ka na, kikilalanin ka pa ng mga pinabayaan mong anak at gayundin ng dati mong kinakasama na ang sabi mo ay hindi mo tunay na minamahal.

Magpakabuti ka at matatagpuan mo ang kapatawaran sa mga kasalanan kung magkakaroon ka ng makatotohanang pagbabago sa direksiyon ng buhay.

Dr. Love

AKING

AKO

ANG PANGINOON

CAMP SAMPAGUITA

DAHIL

DEAR EDUARDO

DR. LOVE

EDUARDO PEREZ

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with