Abandonado

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Paul, 49-taong gulang.

 Siyam na taon na ang nakararaan nang mangibang-bansa ang aking misis. Nasa Germany ang kapatid niyang babae at naikuha siya ng trabaho roon. Noong una’y walang problema. Matapos ang dalawang taon ay nagbalikbayan siya at bumalik muli para sa bagong kontrata.

Hindi naputol ang ugnayan namin dahil sa internet at sa sulat. Pinayagan ko siyang magtungo roon dahil malaking ginhawa para sa aming pamilya dahil mahina ang sahod ko sa Pilipinas at tatlo ang aming anak.

Ang malungkot na pangyayari’y nakakita siya ng bagong pag-ibig doon. Isang mayamang Aleman. Nag-file din siya ng divorce. Para akong binagsakan ng langit sa pangyayari.

Ngayon ay gusto niyang kunin ang aming mga anak. Sana raw ay maunawaan ko siya. Masakit sa aking mawalay ang aking mga anak pero totoong nahihirapan ako sa pagtataguyod sa kanila.

Ano ang maipapayo mo?

Paul

Dear Paul,

Masakit na dagok ang dinanas mo. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi mo mahihinto ang pag-inog ng buhay. Wika nga, life goes on. Sa edad mo ngayon ay hindi ka pa naman matanda at alam kong may maganda ka pang hinaharap kung ilalagay mo ang nagdaan sa iyong likuran.

Kung nais mong ibigay sa asawa mo ang inyong mga anak ay nasasa-iyo iyan. Mas mabuti nga marahil dahil hindi sapat ang iyong income para itaguyod silang tatlo.

Dalangin ko na magkaroon ka ng bago at magandang kinabukasan.

Dr. Love

Show comments