Dear Dr. Love,
Ako po ay isang overseas Filipino worker na nagtatrabaho bilang domestic helper dito sa bansang Singapore. Tawagin mo na lang akong Nini.
Beinte-otso anyos po ako at iniwanan ko ang aking asawa at dalawang anak sa Pilipinas dahil sa hirap ng buhay diyan.
Isa akong dating public school teacher pero kapos na kapos ang sahod ko na pandagdag lang sa konting sinasahod din ng asawa ko.
Ang problema ko ay ang isang masugid na manliligaw ko dito sa Singapore. Kaibigan siya ng amo kong Intsik. Sa tuwing nasa bahay siya ay masama ang tingin sa akin na para akong hinuhubaran. Hanggang sa manligaw siya sa akin. Sabi niya hiwalayan ko ang aking asawa at kami ang magsasama sa bansang ito.
Binasted ko na siya pero masyado siyang makulit at may pagbabanta pa siyang mapapasakanya rin ako.
Sinumbong ko siya sa amo ko na nagsabi sa akin na huwag akong matatakot dahil palabiro lang ang kaibigan niya. Pero nag-iisip ako ngayon na umuwi ng Pilipinas at tapusin nang wala sa oras ang aking kontrata.
Ano ang dapat kong gawin?
Nini
Dear Nini,
Maselan ang problema mo. Ang maipapayo ko ay kumonsulta ka sa ating embahada diyan. Ipagtapat mo ang buo mong problema.
Kausapin mo rin nang maayos ang iyong amo dahil sa tingin ko’y kailangan mo na talagang lumisan sa bahay na iyan.
Alam kong kailangan mo nang magandang trabaho pero mas importante na maiwasan mo ang nagbabantang kapahamakan.
Hindi ko alam kung paano tumakbo ang batas diyan ngunit ang nalalaman ko, marami nang OFW na napahamak diyan kagaya ng klasikong kasaysayan ni Flor Contemplacion.
Tama ang iyong pasya. Umuwi ka na ng Pilipinas at magpundar ka na lang ng negosyo. Pero inuulit ko, humingi ka muna ng saklolo sa ating embahada.
Dr. Love