Dear Dr. Love,
Nagpapaabot ako sa iyo ng isang mainit na pagbati. Tawagin mo na lang akong Erlinda, 40-anyos at may asawa’t dalawang anak.
Dati akong may boyfriend bago ko nakilala ang mister ko. Nagmahalan kami at siya talaga ang first love ko. Ngunit nagkalayo kami nang papag-aralin siya ng kanyang mga magulang sa Maynila. Hindi mo naitatanong, taga-Davao City kami.
Nasaktan ako sa pangyayari lalo na nang naputol ang aming komunikasyon. Nag-migrate na rin sa Amerika ang kanyang mga magulang kaya wala na akong mapagtanungan ng kanyang kinaroroonan.
Hanggang sa makilala ko ang aking mister ngayon. Noong una ay ginawa ko lang siyang panakip-butas pero mahal ko pa rin ang una kong boyfriend. Lumipas ang mga panahon hanggang magkaroon kami ng anak. Doon nagsimulang ma-develop ang aking pag-ibig sa kanya. Hindi naman ako nagsisisi dahil mabuti siyang asawa at ama.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon, kasama ko ang anak kong dalagita sa mall nang makasalubong ko ang dati kong boyfriend. Siya ang unang bumati sa akin at nagyayang mag-snacks kami. May pamilya na rin siya at nagbabakasyon lang sa Davao at babalik din siya sa Amerika. Yun ang huling pagtatagpo namin. Pero hangga ngayo’y para akong nasasaktan sa muli naming paglalayo. Buhay pa ang pag-ibig ko sa kanya. Pinipilit kong iwaksi pero di ko magawa. Ano ang gagawin ko?
Erlinda
Dear Erlinda,
Itanim mo sa iyong isip ang sobrang pagmamahal na ibinibigay sa iyo ng iyong asawa at tiyak kong mabubura sa iyong alaala ang dati mong boyfriend.
Ano pa ang hahanapin mo? Mabuti ang kalagayan ng iyong pamilya at tulad nang sinabi mo’y isang huwarang asawa at ama ang iyong kabiyak.
Isipin mo rin na sa kabila ng pagmamahal mo sa dati mong boyfriend ay nakuha niyang lumimot sa iyo. Iyan na lang ang gawin mong batayan sa pagdedesisyon kung sino sa dalawa ang mas mabuting kapareha sa buhay. Kung mahal ka ng dati mong boyfriend, disin sana’y hindi niya pinabayaang maputol ang inyong komunikasyon.
Limutin mo na siya at ituring mong panaginip na lang ang iyong lumipas.
Dr. Love