Dear Dr. Love,
Masaganang pangungumusta po sa inyo.
Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong pahayagan at binabasa ko po ang lahat na artikulo dito lalo na po ang Dr. Love.
Nababawasan po ang aking kalungkutan sa tuwing binabasa ko ang mga liham na ipinadadala sa inyo at ang makabuluhan ninyong mga payo.
Ako po si Dominguito Maestre, 38 years-old, tubong Romblon. Isa po akong bilanggo. Noong hindi pa po ako napapasok sa piitan, isa akong negosyante ng marble.
Napasok po ako dito dahil sa hindi ko sinasadyang pagpatay sa isa sa mga nanghold-up sa akin.
Hindi ko akalain na daranasin ko ang ganitong buhay. Kaya labis akong nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa Diyos sa pagkakapatay ko ng tao.
Solo po akong anak ng aking may edad nang mga magulang. Ako lang po ang kanilang tanging inaasahan.
Ang masakit pa nito, inatake ang Mama at ko ang Papa ko naman ay matanda na kaya hindi nila ako nadadalaw dito.
Mahal na mahal ko po ang aking mga magulang. Kaya ako’y hindi mapakali kung ano na ang kanilang kalagayan dahil hindi ko nga sila matulungan dahil nakakulong ako.
Napakahirap pala ang nag-iisa. Wala naman akong asawa kaya kung matutulungan sana ninyo ako na makahanap ng mga makakasulatan.
Ang nais ko pong maging kaibigan sa panulat ay yaong mula 35 years-old pataas. Ayaw ko po ng bata. Baka lolokohin lang ako. Sana, totoong kaibigan ang matagpuan ko.
Sa ngayon po, nag-aaral ako dito sa loob. Nakapagtapos na po ako ng tatlong kurso sa tulong ng Bureau of Corrections.
Alam po ninyo, sa tuwing may graduation po kami, labis po ang aking kalungkutan dahil wala po akong kamag-anak at kaibigan na sumasaksi sa aking pagtatapos.
Noong magtapos ako ng Practical Electricity, isa po ako sa nabigyan ng parangal sa kategoriyang Actual at Theory. Nagkaroon po ako ng medalya.
Kaya lang, wala akong mabahagihan ng aking munting tagumpay.
Napaiyak po ako. Lumapit sa akin ang pastor at tinanong sa akin kung bakit ako lumuluha.
Ang sagot ko sa kanya, ni isang kamag-anak wala man lang akong mapaghandugan ng medalya.
Ang sabi sa akin ni Pastor. “Maestre, magpakatatag ka. Hindi ka nag-iisa. Kasama mo si Lord.” Alam mo Dr. Love, nakinig ako sa kanya.
Kayo lang po ang alam kong puwedeng malapitan sa pagnanais kong magkaroon ng kasulatan para magkaroon ako ng inspirasyon at bagong sigla at pag-asa sa buhay.
Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ko at more power to you.
Gumagalang,
Dominguito Maestre
I-C YRC, Student Dorm,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Dominguito,
Tama si Pastor sa pagsasabing “Kasama mo si Lord” at hindi ka nag-iisa.
Kapag nalulungkot ka at nanghihina ang loob mo, manalangin ka lang nang taimtim at mawawalang parang bula ang lahat mong mga agam-agam.
Hindi mo masyadong nailahad kung paano mo napatay ang sinasabi mong nanghold-up, o isa sa mga nanghold-up sa iyo kaya ka nariyan ngayon sa bilangguan.
Anyways, sinabi mong pinagsisisihan mo ito nang taos sa puso.
Nasisinag ko sa liham mo na hindi ka masamang tao. Biktima ka lang ng pagkakataon at marahil, hindi mo naisip na isang malaking pagkakasala ang gagawin mo kung makapatay ka ng isang tao, kahit pa nga ang paniniwala mo ay mayroon siyang atraso sa iyo.
Huwag mo nang masyadong isipin na walang tumitingin sa mga magulang mo. Aalagaan sila ni Lord tulad ng pag-agapay sa iyo ng Panginoon sa iyong pag-iisa.
Isuko mo nang ganap ang sarili sa Panginoon at hindi ka Niya pababayaan.
Hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng makakasulatan mo na siyang magbibigay inspirasyon at pag-asa sa iyo habang nakakulong ka.
Dr. Love