Hanggang kailan magtitiis?
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan sa PSN.
Lumiham po ako para maibahagi sa malaganap ninyong column ang kasaysayan ng aking buhay at ang naging karanasan ko kung bakit ako ay nagdurusa ngayon sa piitan.
Tawagin na lang po ninyo akong Jerry, 39 years-old at mula sa isang simpleng pamilya sa Bulacan.
Dahil sa kahirapan ng buhay, napilitan akong maghanap ng trabaho sa labas ng aming probinsiya at napadpad po ako sa Maynila.
Sa tulong ng kaibigan, napasok naman akong construction worker. Kahit mahirap na trabaho, kinaya ko ito alang-alang sa aking pamilya. Makalipas ang dalawang taon, nagbakasyon ako sa probinsiya dahil sabik na sabik na ako sa aking mga magulang at kapatid.
Pero problema pa rin ang dinatnan ko sa bahay dahil maysakit pala ang aking ama. Bagaman may naipon akong kaunting pera, hindi yaon sapat para sa pagpapagamot ng aking tatay.
Kaya minabuti kong bumalik na agad sa trabaho para matugunan ko ang kailangang pera ng aking ama.
Pagkaraan ng isang buwan, ipinadala kong lahat ang naipon kong salapi mula sa pagtitipid ko. At nang lumiham sa akin ang isa kong kapatid, ipinaalam niyang naipagamot na ang tatay ko sa tulong ng perang ipinadala ko.
Yaon lang at masaya na ako dahil kahit ako nahihirapan sa trabaho, masaya naman ang aking pamilya. Labis-labis naman ang pasasalamat ko sa Diyos dahil dininig niya ang aking panalangin.
Isang gabi, nagkayayaan ang aking mga kaibigan sa inuman. Pinilit nila akong sumama sa beerhouse.
Ang sabi ko sa aking sarili, maglilibang naman ako ng kaunti dahil nanumbalik na ang kalusugan ang may karamdaman kong magulang. Ang hindi ko akalain, magkakaroon pala ng gulo sa beerhouse dahil sa hindi pagkakaunawaan ng dalawa naming kasama.
Nauwi ang kanilang sagutan sa gulo at isa sa aming kasama ang nasaktan. Mabilis kong tinulungan ang aking kaibigan para dalhin sa ospital pero nasa pintuan pa lang kami, may dumating na mga pulis at ako ang kanilang pinosasan.
Tulala ako ng mga sandaling iyon. Ako pala ang itinuro ng kasamahan ko na may kagagawan sa pagkamatay ng kaibigan ko.
Hindi nila ako pinaniwalaan. Masakit ang pangyayaring ito pero wala akong magawa.
Hanggang ngayon kahit nahatulan na akong mabilanggo sa pambansang piitan, gulo pa rin ang isip ko sa nangyari at kung paano ako ang napagbintangang gumawa ng isang krimen na kailanman ay hindi ko magagawa.
Mahigit na pong 15 taong ako sa kulungan pero ni minsan ay hindi ako sinipot ng aking pamilya. Sinulatan ko na sila pero wala akong kasagutang tinanggap.
Wala akong kasalanan pero kinalimutan na ako ng aking mga mahal sa buhay. Dito masamang-masama ang loob ko. Wala ni isang dumamay sa akin.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at mabuhay po kayo.
Gumagalang,
Jerry Rejano
Dorm 237, Bureau of Corrections,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City
Dear Jerry,
Marahil, dinamdam ng pamilya mo ang pagkakakulong mo at inaakala nilang ikaw ay talagang nakagawa ng kasalanan.
Alam natin ang ugali sa probinsiya. Ang pangalan ay pinangangalagaan. Kahit noong una ay wala kang tinanggap na sagot sa liham mo, huwag kang magsawa sa pagliham sa kanila para ipabatid ang kalagayan mo diyan sa piitan.
Huwag kang masyadong mawalan ng pag-asa sa buhay sa kabila ng pangyayaring isinalaysay mo. Lalo kang magsikap na magpakabuti diyan sa piitan para maging kuwalipikado ka sa parole o commutation of sentence.
Huwag ka ring makalimot na magdasal at hingin ang awa ng Panginoon para sa maaga mong paglaya.
With warm regards at sana, magkaroon ka ng maraming kaibigan sa panulat.
Dr. Love
- Latest
- Trending